Radio Bell, masusubok sa 1st Leg Triple Crown

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 13, 2022
Umiinit ang usapan sa social media tungkol sa magaganap na 2022 PHILRACOM "1st Leg Triple Crown" stakes race na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Linggo.
Posibleng makakuha ng malaking suporta sa mga karerista ang tambalan nina Radio Bell at star jockey Jonathan Hernandez.
Ayon sa mga komento ng mga karerista, malaking bentahe si Radio Bell dahil rerendahan siya ng isa sa premyadong hinete sa Pilipinas na si Hernandez. Kampeon sa stakes races si Radio Bell, habang si Hernandez ay nahirang na rin na Jockey-of-the Year ng Philippine Sportswriters Association, (PSA).
Makakatagisan ng bilis ni Radio Bell sina Basheirrou, Don Julio Enigma Uno, Gomezian at Jungkook sa distansiyang 1,600 meter race.
Ang event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni Chairman Reli De Leon.
"Magagaling ang mga kasali, tiyak na magandang laban ang mapapanood natin," saad ni Gannie Pascual, veteran karerista.
Nakalaan ang guaranteed prize na P3.5M, hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang tumataginting na P2.1M, kukubrahin ng 2nd placer ang P787,500 habang tig-P437,500 at P175,000 ang 3rd at 4th, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, maliban sa Triple Crown, makakapanood din ng magandang karera ang mga karerista sa bakbakan ng mga tigasing kabayo sa Hopeful Stakes race na may limang nomido o nagsasaad ng pagsali.
Una sa listahan sa karerang may P1.5 guaranteed prize ay sina Pharaoh Bell, Brother Son, Ipolitika, Sophisticated at Tinago Falls.





Comments