Quarry o lahar, pulitika o kalikasan, ano ba ang dapat pag-usapan?

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | November 7, 2020
Hindi makakalimutan ng lahat ang petsang Hunyo 15, 1991, ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo sa Zambales. Napakalakas at napakaraming ibinugang lahar at pyroclastic materials and galit na bulkan. Binago nito nang husto ang dating kaayusan ng paligid ng Gitnang Luzon mula Zambales hangang Pampanga at Bulacan.
Ang pagkalat at pagdaloy ng lahar sa mga ilog ang dahilan ng pagbabagong ito. Dahil dito kinailangang baguhin ang mga daan, ilipat o itaas ang mga ito, napakaraming lumikas at lumipat ng tirahan dahil natabunan o nawala ang kanilang bahay.
Dalawang pu’t siyam na taon na ang nagdaan pagkatapos ng napakalakas na pagsabog ng Bulkang Pinatubo. Hanggang ngayon, malaki ang kinikita ng lalawigan ng Pampanga sa benta ng lahar na iniwanan ng bulkan. Malaking pera ito para sa mga lokal na pamahalaan na may kapangyarihang magbigay ng “Quarrying Permit” sa iba’t ibang kontraktor.
Pagkatapos ng malaking pinsala ng pagsabog ng bulkan, pinakinabangan ng marami ang bunga ng pinsala. Salamat sa Pinatubo, marami pa ring lahar na nahuhukay (quarry) at nabebenta bilang “aggregate”, buhanging hinahalo sa semento. Subalit, meron kayang naging tuloy-tuloy na pag-aaral sa Bulkang Pinatubo, mula sa dahilan hanggang sa pagsabog at epekto nito sa kapaligiran, at ang dapat maging kahandaan at pagtugon ng mga tao sa mapanganib na pangyayaring ito?
Samantala, hindi rin makakalimutan ang ika-1 ng Nobyembre 2020, ang pagragasa ng bagyong Rolly sa ka-Bicol area.
Ayon sa mga residente ng Albay, malaki ang epekto ng “quarrying” sa pagragasa ng putik, buhangin at bato na sumira sa mga bahay at tanim at bumuwis din ng ilang buhay. Mabilis tumugon ang Lalawigan ng Albay sa pamamahala ni Gov. Al Francis Bichara.
Aniya, “Hindi nag-ipon ng mga materyal na kanilang binungkal (quarry) sa tabi ng mga ilog sa bundok Mayon. Hindi nila iiwan ito dahil kailangang ingatan nila ang kanilang pinaghirapan.”
Sino ang nag-iisyu ng “quarrying permit?” Hindi ba ang mga bayan at baranggay na makikinabang din sa ibabayad na buwis ng mga kumpanyang humingi ng naturang permit? Malaking pera ang quarrying. Alam ng lahat na hindi ang kumpanya ang kumikita sa quarrying kundi ang mga lokal na opisyal din.
Ano’ng sinabi ng mga opisyal ng DENR nang pansinin ng marami ang pag-itim ng Beach Nourishment project sa Manila Bay? Ayon sa mga tumitingin sa puting bahangin na umiitim, “dahil sa pagpasok ng alon, tinatangay ang mga putting buhangin at pumapasok ang mga itim na buhangin (kasama pa ang mga basura). Sagot ng mga “eksperto”, hindi wash out kundi “wash in” ang nangyayari. Humahalo ang itim na buhangin sa puti.”
Sa pagitan ng mga opisyal na pahayag ng anumang antas o sangay ng pamahalaan at ng tunay na kalagayan ng kalikasan, ano ang dapat mamayani at bigyang-pansin ng mamamayan? Sa kasawiang-palad, ganito ang trahedya ng pulitika. Sila at ang kanilang interes ang namamayani, hindi ang pagpansin at pagtugon sa kalagayan ng kalikasan at kapaligiran.
Ano nga ba ang sagot? Quarry o Lahar? Kuwarta o kahon?





Comments