Q'finalist na ang Filipinas nang durugin ang Indonesia
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 29, 2022

Nanigurado na ang Philippine Women’s Football National Team at dinurog ang Indonesia, 6-0, upang makapasok sa quarterfinals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India sa pagwawakas ng group stage Huwebes ng gabi sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa Pune City. Nakatulong ang kasabay na panalo ng Australia sa Thailand, 2-1, na nagbigay sa mga Pinay ng solong 2nd place sa Grupo B na may dalawang panalo at isang talo.
Maaga pa lang ay naglabas ng bangis ang Pilipinas sa likod ng mga goal sa first half nina Katrina Guillou at Sarina Bolden para sa 2-0 na lamang. Apat na goal ang sumunod sa second half – dalawa kay kapitana Tahnai Annis at tig-isa para kay Jessica Miclat at Malea Cesar – at walang duda sa kalidad ng mga Pinay.
Tinawagan ang Indonesia ng handball violation subalit tumama sa poste ang penalty kick ni Bolden sa ika-5 minuto. Naagaw ni Carleigh Frilles ang bola at napunta sa walang bantay na si Guillou para sa unang goal ng Filipinas.
Bumawi si Bolden at dinoble ang lamang sa 27th minute gamit ang ulo. Dumagdag ng goal si Annis at sinundan ng penalty kick ni Miclat bunga ng malakas na pagtulak kay Dominique Randle.
Ang 4th goal ang naging hudyat para kay Coach Alen Stajcic na ipasok na ang mga reserba pero binomba ni Annis ang 2nd goal . Nagdagdag ng apat na minuto ang reperi at humabol ng isa pang goal si Cesar ilang segundo bago ang huling pito sa ika-94 minuto.
Naghihintay sa mga Pinay sa quarterfinals ang Chinese-Taipei ngayong Linggo sa simula ng 10 p.m. at pakay ang semis sa Pebrero 3 at makamit ang inaasam na tiket sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Pumangalawa ang mga Taiwanese sa Grupo A na may isang 5-0 panalo sa Iran at isang 0-4 talo sa Tsina.
Haharapin ng Tsina sa q'finals ang 2019 SEAG gold medalists Vietnam na 3rd sa Grupo C. Magtatapat ang Australia at Timog Korea at defending champion Japan vs. Thailand.





Comments