Pwersa ng gobyerno laban sa mga kriminal, mas palakasin
@Editorial | Marso 5, 2024
Tila magkakasunod na naman ang mga nagaganap na karumal-dumal na krimen sa iba’t ibang panig ng bansa.
May mga biktima ng pagdukot, paggahasa at pagpatay.
Kamakailan, magkasunod na chop-chop victim ang natagpuan.
Mayroon ding isang paslit na ginahasa saka pinatay at isinilid sa sako.
May mga insidente rin ng pwersahang pagpasok sa bahay ng biktima saka pinagbabaril.
Wala ng pinipiling lugar at oras, basta gagawa ng kasamaan, para bang hindi na mapipigilan. Isa sa sinasabing pinag-uugatan ng krimen ay ilegal na droga, laganap na naman ang salot sa lipunan.
Kumusta na ba ang giyera kontra droga ng gobyerno? Bakit tila nalulusutan ng mga masasamang-loob?
Tila piyesta ang mga sindikato sa ilegal na gawain.
Panawagan sa mga kinauukulan, huwag tayong patulug-tulog sa pansitan.
Hindi dapat matigil ang laban sa ilegal na droga.
Huwag nating hayaan na lumaganap ang karahasan. Mas paigtingin ang pagbabantay, panagutin ang mga kriminal nang ‘di na pamarisan.



Comments