PUV consolidation, tumaas sa 80%

ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 9, 2024

Tumaas na sa 80 porsiyento ang consolidation rate ng public utility vehicles (PUV) sa buong bansa matapos ang deadline extension nito, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Sabado.
Sa Metro Manila, hindi gaanong mataas ang consolidation rate matapos ang naunang deadline noong Disyembre 31, 2023, ngunit sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na nasa 96 porsiyento na ito ngayon para sa mga aktibong pampublikong jeep.
“In Metro Manila, 96 percent of the active jeepneys have applied for consolidation while 80 to 90 percent in the provinces,” pahayag ni Guadiz.
Noong Enero, nagbigay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng deadline extension ng consolidation hanggang Abril 30 upang magbigay ng mas maraming pagkakataon sa mga operator ng PUV.
Nagsisilbing unang hakbang ng PUV Modernization Program (PUVMP) ang consolidation upang mapabuti ang pampublikong transportasyon, lalo na sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga carbon emission upang tugunan ang mga isyu sa klima.





Comments