top of page

Putol-kamay sa pulitikong magnanakaw!

  • BULGAR
  • Mar 22, 2022
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 22, 2022


MGA MAGNAKAKAW NA PULITIKO, HUWAG IKULONG, PUTULAN NA LANG NG KAMAY — Sa pa-debate ng Comelec ay nagbanta si presidential candidate, Sen. Manny Pacquiao na ipapakulong daw niya ang lahat ng mga magnanakaw na pulitiko sa bansa.

Naku, eh sa dami ng mga kawatang pulitiko sa Pilipinas ay baka mapuno ang Bilibid.

Sana, ang gawin na lang ni Pacman kapag siya ang nagwaging presidente ay huwag nang ikulong ang mga magnanakaw na pulitiko, kundi putulan na lang ng mga kamay para hindi na makapagnakaw sa kaban ng bayan, period!


◘◘◘


KAPAG PUTOL NA ANG KAMAY MAHIHIYA NANG KUMANDIDATO ANG PULITIKONG KAWATAN KASI MAY PALATANDAAN NA, NA SIYA'Y KAWATANG PULITIKO — Sa totoo lang, mainam talaga na magkaroon ng batas sa Pilipinas na pinuputulan ng kamay ang mga magnanakaw na pulitiko para may palatandaan ang mamamayan sa mga kumakandidato tuwing eleksyon.


Dami kasing mga kawatang pulitiko ang kumakandidato kada eleksyon na nananalo, na ang diskarte pakaway-kaway lang sa mga botante.


Kapag putol na ang kamay, mahihiya na ang magnanakaw na pulitiko na kumandidato, kasi hindi na siya makakakaway dahil putol na ang kanyang kamay na palatandaan isa siyang kawatang pulitiko, boom!


◘◘◘


PRESIDENTIAL CANDIDATE JOSE MONTEMAYOR MISTULANG NUISANCE CANDIDATE — Lumabas na katawa-tawa sa publiko si presidential candidate, Jose Montemayor sa kanyang statement na ang mga abogado raw ang bumubuo sa IATF (Inter-Agency Task Force) ng gobyerno.


Kaya't marami ang nagtanong: Totoo raw ba ang nakalagay sa qualification ni Montemayor na bukod sa doktor, ay isa rin siyang abogado ?


Ang mga bumubuo kasi sa IATF ay mga health experts at mga opisyal ng gobyerno, hindi mga abogado lang.


Hay naku, mapagpanggap din ang Comelec na kunwari mahigpit sila sa pagsala sa mga presidential candidate, tapos may nakalusot na isang Jose Montemayor na maihahanay sa mga nuisance candidate, buset!


◘◘◘


DAIG NI 'RASTAMAN' SI MONTEMAYOR — Sa totoo lang, mas may saysay pa ang sinasabi ni Rolando Plaza alyas "Rastaman" na idineklang nuisance candidate ng Comelec, kumpara kay Montemayor.


Nang interbyuhin kasi ng isang tv network si "Rastaman", lahat ng isyung may kinalaman sa ating lipunan at takbo ng pulitika ay makatotohanan ang kanyang mga sagot sa tanong ng nag-iinterbyu.


Ang nais nating ipunto rito, dapat ay si "Rastaman" ang pinayagan ng Comelec na kumandidato sa pagka-presidente, at hindi si Montemayor, kasi kapag nagsalita si "Rastaman" ay may natututunan ang publiko, kumpara kay Montemayor na nabobobo ang tao kapag nagsalita ito, ha-ha-ha.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page