top of page
Search
BULGAR

‘Puslit’ na mga luxury car, tatalupan sa Senado

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 14, 2024


Matapos na mag-viral sa social media, iimbestigahan na ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y smuggling o pagpupuslit ng dalawang Bugatti Chiron sports car sa bansa.


Ito ang iniutos ni Senate President Juan Miguel Zubiri, makaraang isiwalat ni Senador Raffy Tulfo sa kanyang privilege speech, na nakarehistro ang mga luxury car sa Land Transportation Office (LTO) gamit ang mga pekeng dokumento mula sa Bureau of Customs (BOC).


Ipinaalala ni Tulfo na sa budget deliberations noong nakaraang taon ay tinanong niya ang BOC kung may mga record kaugnay sa dalawang Bugatti Chiron cars, kung saan nai-report umanong nagkakahalaga ng humigit-kumulang 3 milyong US dollars bawat isa.


Sa naging tugon ng BOC, sinabi ng senador na walang records ng mga naturang luxury vehicle mula 2019 hanggang sa mga sumunod na taon.


Gayunman, matapos na mabawi ang isa sa dalawang Bugatti Chiron, nag-request si Tulfo ng background check hinggil sa mga rehistro ng mga sasakyan sa LTO.


Ayon sa senador, ang asul na Bugatti na may plate number na NIM5448 ay nakarehistro umano sa ilalim ng pangalan ng isang Thu Trang Nguyen, habang ang pula naman na may plate number na NIM5450 ay nakarehistro sa ilalim ng isang nagngangalang Meng Jun Zhu.


Binanggit din ni Tulfo na sa kanilang pag-aaral ng mga dokumentong isinumite sa LTO para mairehistro, nakita nila na ang dalawang sasakyan ay sabay na prinoseso. Pareho ang mga itong in-import ng Frebel Import and Export Corporation, na ang bill of lading ay may petsang December 24, 2022, at sabay na inirehistro sa LTO noong May 30, 2023.


Binigyang-diin naman ni Tulfo na ang gobyerno ay maaaring mawalan ng P183 milyon kada Bugatti Chiron o kabuuang P366 milyon kung mapapatunayang authentic ang mga dokumento na kanilang isinumite sa LTO.


Ibinunyag din ni Tulfo na walang record ang Bureau of Immigration (BI) sa dalawang dayuhan na umano’y nagmamay-ari ng mga luxury cars.


May mga mamahaling sasakyan na nakakapasok na pala sa ating bansa na tila hindi authentic ang mga dokumento habang wala tayong kaalam-alam sa ganitong klase ng transaksyon.


Kahina-hinala talaga na mayroong tinatawag pang Certificate of Payment ang mga luxury cars na ito na tila nakalusot sa mga otoridad.


Marahil, kailangang ayusin ng kinauukulan ang sistema at pagproseso ng pagpaparehistro ng mga sasakyan.


Dapat ding tiyakin na tunay ang mga isinusumite sa kanilang mga dokumento nang sa ganu’n hindi man lubos na mapigilan ay mabawasan ang nangyayaring smuggling sa ating bansa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page