Puslit na gulay, iba pang produktong pagkain, mapanganib
- BULGAR

- Sep 9, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | September 9, 2024

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nananatili ang isang problema na dapat nating mas bigyang pansin, ang smuggling.
Kamakailan, 300 tonelada ng sibuyas, carrots, kamatis at iba pang produkto na inangkat mula sa ibang bansa ang nasabat sa isang warehouse dahil wala umanong kaukulang sanitary at phytosanitary import clearances mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Nito lamang, kinumpirma ng Department of Agriculture-BPI na may pesticides, microbiological contaminants at heavy metals ang mga puslit na gulay.
Mula sa ulat ng BPI, ang mga nasabat ay may organophosphates, organochlorines, at pyrethroids, mga pesticides na nakakaapekto sa kalusugan ng tao at kinakitaan din ng cadmium. Nakitaan din ito ng lead na mga heavy metals.
Napatunayan din sa pagsusuri na ang mga gulay ay may microbiological contaminants tulad ng E. coli, Listeria monocytogenes at Salmonella spp.
Agad naman umanong na-dispose ang mga kontaminadong gulay upang hindi na makarating sa pamilihan.
Ang isyung ito ay hindi lamang nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili kundi naglalagay din sa panganib ng integridad ng ating sistema ng pamamahagi ng pagkain.
Sa kabila ng mga regulasyon at inspeksyon ng gobyerno, ang mga ganitong uri ng problema ay patunay na may mga puwang pa sa ating sistema na kinakailangang pagtuunan ng pansin.
Dapat na magsagawa ng mas masinsing monitoring at inspeksyon upang matiyak na ang lahat ng produktong pagkain ay dumaan sa wastong proseso bago makarating sa merkado.
Dapat ding mas paigtingin ang mga parusa sa mga lumalabag sa mga regulasyon upang mapigilan ang mga ganitong uri ng gawain.
Mahalaga ring maging mapanuri ang mga mamimili sa pagpili ng mga gulay na bibilhin.
Ang pagbili mula sa mga pinagkakatiwalaang tindahan at pamilihan ay maaaring makatulong sa pag-iwas sa mga produktong delikado. Gayundin, ang pag-uulat sa mga otoridad ng mga kahina-hinalang produkto.
Ang usaping ito ay nangangailangan ng sama-samang aksyon mula sa gobyerno, negosyo, at mamamayan.
Sa pamamagitan ng mas pinahusay na sistema ng regulasyon, masigasig na inspeksyon, at aktibong pakikilahok ng bawat isa, maaari nating maiwasan ang panganib ng mga puslit na gulay at masiguro ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong pagkain na umaabot sa ating mesa.



Comments