top of page
Search
  • BULGAR

Puro away dahil parehong may strong number, maghihiwalay kung walang magpapa-under

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 8, 2023



Dear Maestro,


Maraming beses na kaming naghiwalay ng asawa ko at maraming beses na rin kaming nagkabalikan, last na balikan namin ay noong Pebrero pero wala pang dalawang buwan ay naghiwalay muli kami, hanggang sa nalaman ko na may kinakasama na siya, kaya hindi na ako muling nakipagbalikan pa sa kanya.


Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang itanong kung makakapag-asawa pa kaya ako at makakabalik pa kaya ako sa abroad? Dati kasi akong OFW, humihina ang negosyo ko ngayon kaya balak ko muli mag-abroad.


Sana matulungan n’yo ako sa aking problema at kung ano ang dapat kong gawin upang muli akong umunlad, makabuo ng bagong pamilya at maging maligaya? August 17, 1981 ang birthday ng ex-husband ko habang July 10, 1987 ang birthday ko.


Umaasa,

Karen Moonwalk, Paranaque City

Dear Karen,


Ang birth date mong 1 at 17 o 8 naman (ang 17 ay 1+7=8) ang dati mong asawa ay tipikal na ehemplo ng pagsasama ng dalawang “strong-strong number o mag-asawang parehong may strong personality” na tinatawag. Nangyaring ganu'n dahil kapwa itinuturing na “strong number ang 1 at 8.”


Ano ba ang kadalasang nangyayari sa pagsasama ng dalawang strong number? Ang kadalasang nangyayari sa mag-asawa o magkarelasyon na kapwa may strong number ay tipikal na dumadaan talaga ang kanilang pagsasama sa matitinding mga pagsubok ng buhay.


Ibig sabihin, asahan mo ng kapag nagsama ang “strong-strong na personality o number”, tiyak na may pag-aaway at hindi pagkakaunawaan ang magaganap. Ang pinakamalalang sitwasyon ay mambabae si mister o kaya naman ay manlalaki si misis.


Pero kung sadyang matibay ang personalidad at ang pagmamahalan. Oo naman, kailangang magpakatatag, dahil pagkatapos ng mga bagyo at pagsubok sa buhay ng mag asawang parehong may strong number, nakatakda namang sumilay ang isang napakaliwanag na umaga, na nagbabagya ng malaking pag-unlad at pagyaman.


Kaya dapat walang susuko, sa halip dapat ay may magpakumbaba at magpaka-weak.


Kahit sabihing strong number iyong isa, obligado siyang maging “weak” alang-alang sa pagmamahal niya sa kanyang asawa o sa kanyang pamilya. At sa puntong ito (kapag may sumuko o nagpa-under o nagpaubaya o nagpakumbaba at naging matiisin 'yung isa), ro'n naman magsisimula ang pag-unlad ng nasabing mag-asawa na kapwa may strong number hanggang sa tuluyan ng yumaman.


Kaya kapag nakakita kayo ng dalawang strong number na hindi pa yumayaman, gayung patuloy silang nagsasama, mapipiho n'yo agad na wala pang sumusuko, nagpapatalo o nagpapa-under sa kanila. Maaaring mayabang at dominante pa rin si mister o si misis, kaya sila ay hindi umuunlad.


Subalit kapag si mister o si misis ay lubusan ng nagpaubaya sa kanyang asawa (inalis ang sariling ego at sunod na lang ng sunod sa asawa), tiyak ang magaganap, tulad ng nasabi na, sa puntong iyon, magsisimula ang pagyaman ng mag-asawang kapwa may strong number.


Ngayon, kapag ang mag-asawang may strong number ay nanatiling strong at walang nagpapakumbaba o nagpaka-martir. Tulad ng nangyari na at mangyayari pa, sa paghihiwalay hahantong ang nasabing relasyon.


Wala kasing nagpa-under, wala kasing nagpatalo, wala kasing nagpapakumbaba.


Ngayon, sino ang dapat mong makasama kung sakaling muli kang mag-aasawa?


Ang dapat makasama ng isang “strong number” na tulad mo ay ang weak number, para magkaroon ng compatibility na tinatawag.


Kung saan, sa ikalawang batas na dati na nating tinatalakay, “opposite poles attract each other”.


Nakita ng “strong number” ang kakumpletuhan ng kanyang sarili sa “weak number”.


Habang natagpuan ng “weak number” ang hinahanap niyang sarili sa “strong number”.


Isang “negative at positive pole” ang eksaktong magandang halimbawa ng ganyang pagsasama, upang makabuo ng isang enerhiya na tinatawag na kuryente. Hindi pupuwedeng puro, negative at puro positive poles ang kawad, dahil walang enerhiyang dadaloy d'yan. Sa halip ang negative ay kailangangang sumalubong sa positive, upang sumiklab sa kasaganaan at kaligayahan ang isang relasyon.


Ang dapat mong matagpuang lalaki upang lumigaya ka na sa pag-ibig at magkaroon ng isang maunlad na pamilya ay silang nagtataglay ng numerong 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 5, 14 at 23, sa zodiac sign na Pisces, Capricorn, Scorpio, Virgo at kapwa mo Cancer.


Hindi pa naman huli ang lahat, dahil ayon sa iyong Love Calendar, sa susunod na 2025, sa edad mong 38 pataas, habang ikaw ay nasa ibang bansa, makikilala mo na ang isang nilalang na may zodiac sign na Scorpio – siya na ang makakasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page