Puno ng pag-asa kahit sandamakmak ang pagsubok, ‘yan ang Pinoy!
ni Ryan Sison - @Boses | September 21, 2022
Sa kabila ng napakaraming pagsubok na kinahaharap ng bansa ngayong taon, mula sa non-stop na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, idagdag pa ang pagsulpot ng iba’t ibang variant ng COVID-19, gayundin ang iba pang sakit, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang ilan nating kababayan.
Ilang buwan bago matapos ang taong 2022, lumabas na halos kalahati ng mga Pilipino ang umaasa na bubuti ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod 12-buwan.
Ito ay base sa resulta ng Second Quarter 2022 Social Weather Stations (SWS) survey, na isinagawa mula Hunyo 26 hanggang 29 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Filipino adults.
Ayon sa SWS, 46% ng respondents ang naniniwala na gaganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay, habang 40% naman ang nagsabi na mananatili itong pareho, 4% ang naniniwala na ito ay lalala, habang 11% ay hindi nagbigay ng sagot.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat kung gaano kahirap ang buhay ngayon.
Napakalaking hamon na mairaos ang araw-araw na pangangailangan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kaya lahat ng puwedeng tipirin ay tinitipid na para mapagkasya ang arawang kita.
Kaya naman, magandang balita na marami pa ring naniniwala na gaganda pa ang kanilang pamumuhay sa susunod na taon. Nakakatuwang sabihin na ‘yan ang mga Pinoy, nahaharap man sa iba’t ibang pagsubok, hindi nawawalan ng pag-asa.
Marahil, dahil na rin ‘yan sa unti-unting pagbangon ng kabuhayan ng ilan. Sa mga nakalipas na buwan kasi, ramdam ang paggalaw ng ekonomiya, gayundin, ang bahagyang pagbaba ng unemployment rate sa bansa.
Hangad nating magtuluy-tuloy ang mga pagbabagong ito upang mas marami pang Pilipino na magkaroon ng mas maayos na pamumuhay sa mga susunod na buwan.
Pero siyempre, hindi lang tayo dapat umasa, kailangang sabayan ng pagkilos at pagsisikap sa tulong ng ating gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments