Pumunta sa bangko, babala na mahaharap sa problemang pinansiyal
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 15, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jessa ng Bulacan.
Dear Maestra,
Araw-araw akong nagbabasa ng column n’yo. Hangang-hanga ako sa pag-aanalisa n’yo sa mga panaginip. Tunay ngang gifted kayo ni Lord.
Isasangguni ko sa inyo ang panaginip ko kagabi. Pumunta ako sa bangko upang mag-withdraw ng pera. Offline ang ATM kaya ang pumasok ako sa banko. Nakausap ko mismo ‘yung banker at ipinaliwanag kung bakit palaging offline ang ATM nila. Naunawaan ko at lumabas na ako sa bangkong ‘yun. Paglabas ko, nakakita ako ng mga lobo na iba’t ibang kulay. Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jessa
Sa iyo, Jessa,
Ang panaginip mo na pumunta ka sa bangko ay nagbibigay-babala na mas marami pang problema sa pananalapi ang kakaharapin mo. Ibig sabihin, kailangan mong doblehin ang pagsisikap para maghanap ng pagkakakitaan. Ang nasalubong mong banker sa iyong panaginip ay nagpapahiwatig na ipagpatuloy mo ang naiisip mong plano na mag-umpisa ng isang maliit na negosyo subalit kailangan ang ibayong pag-iingat at huwag sige lang nang sige.
Gayunman, ang mga lobo na nakita mo ay nagpapaalala na hindi ganu’n kadali ang magtagumpay o kumita agad ng malaki sa pinaplano mong negosyo. Faith, determination at patience ang kailangan mong ipatupad.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments