Pumartida muna si Constantinople
- BULGAR

- May 3, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | May 3, 2022
Napahanga ni Constantinople ang mga karerista matapos nitong manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Linggo nang hapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Nakapanood ng magandang laban ang mga racing aficionado nang magparemate si Constantinople sa rektahan.
Hindi nakialam sa unahan si Constantinople, hinayaan nitong mauna sina Aida's pet at Shine na kumaripas agad nang lumabas sa aparato, pinanood lamang sila ng top favorite.
Matagal na nagbakbakan sa unahan sina Aida's Pet at Shine, umabot ito hanggang sa huling kurbada, pero lumapit na sa kanila si Constantinople kaya naman sa rektahan ay nagkapanabayan na silang tatlo.
Sakay si Jol Siego, naagaw ni Constantinople ang unahan sa huling 100 metro ng laban, nagwagi ito ng may isang kabayong agwat sa nasegundong Jersy Crown.
Inirehistro ni Constantinople ang tiyempong 1:21.6 minuto sa 1,300 meter race sapat upang hamigin ang added prize na P5,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Tumersero si Shine habang pumang-apat si Aida's Pet.
Samantala, nais nang mapanood ng mga karerista ang muling pagtakbo ni Robin Hood sa pista.
Sa darating na Linggo, sasabak si Robin Hood sa Chairman's Cup Division II na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Rerendahan ni Jessie Guce, makakalaban ni Robin Hood sina Golden Sunrise, Hookbung Dagat, King Tiger, Magtotobetsky, Moment Of Truth at Shanghai Noon.
May guaranteed prize na P750,000 ang nasabing karera kung saan hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang P450,000.





Comments