top of page
Search
  • BULGAR

Pumalag na kumikita ang vlogs dahil sa aktres… CRISTY KAY BEA: SEE YOU IN COURT

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 4, 2024




Sonadyang hindi muna sagutin lahat ni Nanay Cristy Fermin ang mga tumawag at nagpadala ng mensahe sa kanya nitong Huwebes ng hapon para hingan siya ng panig sa isinampang kaso ng aktres na si Bea Alonzo na cyber libel.


Isa kami sa mga nagpadala ng mensahe at hindi nga kami sinagot, kaya naisip naming baka sa programa niyang Cristy FerMinute (CFM) sa 92.3 Radyo 5 TRUE FM kasama si Romel Chika na lang niya sasagutin para isahan na lang, at totoo nga.


Panimula ni ‘Nay Cristy, “Alam ko po, may mga hinihintay kayo CFMers (Cristy’s listeners) na tugon ngayong araw na ito dahil kahapon po ay nagsampa si Bea Alonzo ng libel laban sa inyong lingkod, kay Ogie Diaz at sa iba pa naming mga kasama.


“Wala pa po akong detalyadong maibibigay sa inyo dahil wala pa po kaming hawak na impormasyon, hindi pa po namin alam kung anu-ano ba ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay kung bakit siya nagdemanda ng kasong libel,” sey niya. 


“Ang libelo po, cyber libel o cyber bullying na tinatawag nila ay kakambal ng aming propesyon, ito po ay parang dila at ngipin na magkasama, ‘di po maaaring paghiwalayin,” paliwanag nito.


Kapag libel ang kaso ay mahabang usapin ito dahil kailangang patunayan ng nagdemanda ang malisya ng taong idinedemanda.








“Hindi po natin ito mapupuwersa para sa atin ang manghusga kung sino sa panig namin ni Bea Alonzo ang nagkasala (at) nasa husgado na po ‘yan. 


“Hindi lang po namin matatanggap ni Ogie Diaz ‘yung kanyang kampo sa pagsasabi na ang amin daw pong vlogs ay ginagawa para lamang magkaroon ng mataas na views at pagkakitaan si Bea Alonzo,” aniya. “Ang programa po ni Ogie Diaz, ang kanyang vlog, ang Showbiz Now Na (at) maging ito pong Cristy FerMinute ay idinisenyo hindi lamang po para kay Bea Alonzo, ito po ay para ibalita ang lahat ng kuwento, positibo man o hindi tungkol sa mga personalidad na tinatawag po nating public figures.

“At bilang pampublikong pigura po sila, kami naman po ang nagtatawid ng mga balita tungkol sa kanila. Hindi po namin maaaring puhunanin si Bea Alonzo lamang para kumita ang aming mga vlogs, mali po ‘yun.


“Lahat ng mga kuwento ay ilalatag po namin at depende na lamang po ‘yan sa pagtanggap ng mga personalidad na aming tinatalakay.”


Nabanggit ni ‘Nay Cristy na maraming beses na niyang ipinagtanggol si Bea noon.


“Ako po ang nagbigay ng proteksiyon sa kanya, ako po ang nagtanggol at kinalaban ko ang lahat para lang mabigyan ko s’ya ng magandang pagtalakay at opinion. 

“Kapag s’ya po ba ay nakarinig ng isang bagay na hindi niya gusto at masama sa kanyang panlasa, lahat po ba ng magandang ginawa ng taong nagtanggol sa kanya sa pinakamahabang panahon ay ibabasura na lamang?


“Pero kung ito ang naging dahilan para busalan n’yo ang aming bibig, opinion at malaya naming pamamahayag ay nagkakamali kayo.


“Gumawa ka ng maganda, Bea Alonzo, patuloy kitang papalakpakan, patuloy kitang pupurihin. Pero kapag ika’y nagkakamali at sablay ang iyong ginagawa sa mata ng publiko at sa aming panlasa, ikaw ay aming papaalalahanan at tatapikin.

“Sabi nga, kayo ang nagdemanda, ikaw, Bea, ang nagsampa ng kasong libel laban sa akin, kay Ogie Diaz at sa aming mga kasama, we will see you in court,” pahayag ni ‘Nay Cristy.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page