top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pulis na sangkot sa nag-leak na video ni Ronaldo Valdez, tuluyan

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 17, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 17, 2024


Nakakadismayang isipin na ang inaasahan nating magpoprotekta sana sa atin ay sila palang sisira sa atin. Ito ang nangyari sa kaso ng yumaong veteran actor na si Ronaldo Valdez, kung saan may police personnel na nag-leak ng isang video na nagpapakita ng bangkay nito.


Labis ang hinanakit ng pamilya ni Valdez dahil sa nangyari. Kaya naman naglabas ng public apology ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamilya ng singer na si Janno Gibbs dahil sa nag-leak na video ng kanyang ama.


Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Redrico Maranan sa isang panayam, taos-puso silang humihingi ng paumanhin sa lahat ng pamilya nina Gibbs ganu’n din sa kanilang mga kaibigan dahil sa sakit na naidulot noong paglabas ng video sa iba pang social media platforms, kung saan kasangkot ang isang pulis sa pagkuha ng video. 


Nauna nang hinimok ni Gibbs ang police personnel na sangkot sa pag-leak ng video ng kanyang ama na mag-isyu ng public apology sa kanilang pamilya. Habang sinabi ng abogado ni Gibbs na si Atty. Lorna Kapunan na ang mga investigating police officers, gayundin ang kanilang mga superior, ang direktang responsable sa naturang leakage.


Sinabi ni Maranan na hindi bababa sa limang tauhan ng QCPD ang na-relieve sa kanilang mga puwesto kasunod ng paglabas ng video. 


Gayundin aniya, hindi lang sila na-dismiss kundi ang QCPD ay nagsampa ng administrative charges laban sa kanila kabilang dito ang neglect of duty, grave irregularity in the performance of duty, at grave misconduct. Neglect of duty din ang isinampa laban sa tatlong pulis sa ilalim ng doctrine of command responsibility.


Pahayag pa ni Maranan na handa rin silang magsampa ng mga kasong kriminal laban sa apat na sibilyan, na kanilang tinukoy bilang mga indibidwal na unang nag-upload ng video sa social media. Hinihintay na lang umano nila na magsampa ng reklamo ang pamilya nina Gibbs.


Matatandaang pumanaw ang kilalang TV at film actor na si Ronaldo Valdez noong December 17, 2023 sa edad na 76.


Nakakagalit talaga ang ginawang ito ng ating kapulisan. Sa halip kasi na pagbutihin ang kanilang trabaho at tutukan ang mga kasong kinakaharap ay sila pa itong numero unong nagma-marites at naglalabas ng mga footages o video, kaya tuloy minsan ay nawawalan ng saysay ang mga naunang imbestigasyon sa nangyaring krimen.


Hindi ba’t bago naman kayo naging pulis ay dumaan muna kayo sa mga training at matitinding pagsasanay, gayundin batid ninyong bawal na bawal ang paglalabas ng mga confidential files sa anumang kasong dapat na resolbahin?


Tanggapin man ang paghingi ng tawad sa inyong nagawa, sumira naman ito ng reputasyon ng kanilang pamilya. 


Panawagan natin sa kinauukulan na linisin sanang mabuti ang inyong departamento habang sibakin ang mga bulok sa inyong hanay. At kung may mga pasaway o mga tinatawag na police scalawags ay dapat na patawan sila ng nararapat na parusa para naman magtanda at hindi na maulit pa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page