Pulis na nag-amok, tanggal sa puwesto
- BULGAR

- Oct 20, 2023
- 1 min read
ni Angela Fernando - Trainee @News | October 20, 2023

Nagwala at nanutok umano ng baril ang isang lasing na pulis na kinilalang si Police Corporal Brannard Castañeda sa Las Piñas City nitong Huwebes dakong alas-dos ng madaling araw.
Nakuhanan sa isang CCTV footage ang suspek na hindi makalakad nang maayos habang may hawak na baril, makikitang ikinasa niya ito at inihampas kung saan hindi hagip ng camera.
Ipinutok ni Castañeda ang kanyang baril at hindi ito umano ang unang beses na ginawa ito ng pulis.
Ayon kay Diomedes Leyte, biktima ng suspek, biglaan siyang tinutukan umano nito ng baril sa ulo. Sinubukan daw ni Leyte na umakyat sa kanyang bahay ngunit sinundan pa rin ito ni Castañeda.
“Paghawak ko ng baril niya, natumba kami ru'n,” saad nito.
Matapos ang ilang sandali ay naagaw ng biktima ang baril mula sa pulis.
Ngayon ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad si Castañeda na inalis sa kanyang puwesto at mahaharap ito sa mga reklamong Illegal Discharge of Firearms, Grave Threat at kasong administratibo.





Comments