top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pulis na kaanak ng kandidato, ire-reassign

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 25, 2023


Mahigit 300 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang natukoy na may mga kamag-anak na tumatakbo para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre ngayong taon, ang inilipat na ng assignments.


Sa press briefing na ginanap sa Camp Crame kamakalawa, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na inaasahan na ng mga pulis na mai-reassign sila sa ibang mga lugar para maiwasan ang organisasyon na masangkot sa anumang partisan politics.


Ayon kay Fajardo, base sa survey na kanilang isinagawa ay mayroong 327 na kanilang mga tauhan na ang mga kamag-anak ay posibleng kumandidato para sa halalan sa Barangay.


Dagdag niya, sakop ng regulasyon ng PNP ang hanggang 4th degree ng kamag-anak na kandidato.


Nilinaw naman ni Fajardo na hindi pa pinal ang reassignments ng mga pulis at pansamantala lamang ito dahil hinihintay pa ng ahensya ang pagtatapos ng filing ng certificate of candidacy (COC) na magsisimula sa Agosto 28. Gayundin, para maiwasang maimpluwensyahan ang mga botante at maging sanhi ng anumang harassment.


Pahayag pa ng opisyal na hindi lamang mga kamag-anak ng mga tatakbo sa BSKE ang posibleng mailipat ng puwesto kundi pati na rin iyong mga malalapit sa mga kandidato.


Aniya, sasailalim ang mga ito sa validation at assessment para malaman kung mayroong batayan na sinasabi ng kanilang mga pulitiko na maaaring makaimpluwensya sa eleksyon sa kanilang mga lugar.


Mainam at naging maagap ang PNP sa gawain nilang ito bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon.


Maiiwasan na ang anumang pamumulitika, pagkiling o pagpabor na ibibigay sa mga incumbent at tatakbo sa eleksyon, gayundin na maimpluwensyahan ang mga botante sa kanilang pipiliing mga kandidato.


Mababawasan din ang pangamba ng ating mga Kababayan sa kapulisan at hindi na sila mangingiming iboto ang talagang gusto nila.


Pakiusap lang natin sa kinauukulan na sana ay walang makakalagpas sa kanilang ginagawang paglilipat ng mga tauhan para matiyak ang seguridad at kaayusan sa eleksyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page