Pulis, maging ehemplo sa katapatan at kabutihang-asal
- BULGAR
- Apr 24
- 1 min read
by Info @Editorial | Apr. 24, 2025

Sa mata ng mamamayan, ang pulis ay tagapagpatupad ng batas, tagapangalaga ng kapayapaan, at simbolo ng kaayusan.
Gayunman, sa kabila ng tungkuling ito, paulit-ulit tayong nakakabalita ng mga insidenteng kinasasangkutan ng ilang tiwaling pulis — mula sa simpleng paglabag sa trapiko hanggang sa mga seryosong krimen.
Kamakailan lang, isang lasing na pulis ang pumasok nang ilegal sa isang bahay, nang-harass at nanakit ng mga residente.
Sa ganitong mga pagkakataon, lumalabo ang tiwala ng taumbayan at bumabagsak ang integridad ng buong institusyon. Ang isang tunay na alagad ng batas ay hindi lamang nagpapatupad ng batas — siya mismo ay dapat huwaran sa pagsunod ng mga ito.
Kailangang ang bawat kilos ay may kalakip na disiplina, integridad, at malasakit sa kapwa.
Responsibilidad ng bawat pulis na ipakita sa publiko na ang batas ay para sa lahat — hindi pinipili, at lalong hindi binabalewala.Sa panahong laganap ang maling paggamit ng kapangyarihan at impluwensiya, mahalagang ipaalala na ang pagiging pulis ay hindi karapatang mang-abuso, kundi obligasyong magsilbi nang tapat at patas.
Dapat maging unang ehemplo ng katapatan at kabutihang-asal — sa lansangan man, sa komunidad, o kahit sa social media.
Kaya’t nananawagan tayo sa ating mga kapulisan, maging tunay na tagapagtaguyod ng batas, hindi lamang sa tungkulin, kundi sa bawat aspeto ng buhay. Dahil sa bawat kilos n’yo, nakasalalay ang tiwala at pag-asa ng Pilipino.
Comments