Publiko, ‘wag matakot sa gastos, may libreng konsulta sa doktor
@Editorial | September 7, 2023
Nakababahala ang resulta ng pag-aaral na 40 porsyento lamang ng mga Pilipino ang sumasailalim sa regular na taunang medical check-up.
Base sa resulta ng Capstone-Intel Corp study, 33% sa mga Pinoy ang nagpapatingin sa doktor kapag may masamang nararamdaman, 15% ang madalang magpasuri sa doktor, pitong porsyento ang nagpapa-check-up kada dalawa o tatlong taon at may apat na porsyento na hindi talaga nagpapatingin sa doktor.
Isinagawa ang pag-aaral noong Agosto 1 hanggang 10 at may 1,025 respondents na may edad 18 hanggang 65.
Patunay lamang ito na dapat pang palakasin at palawakin ang sistemang pangkalusugan sa bansa.
Kadalasan, hindi naman talaga sa pagpapatingin sa doktor ang kinatatakutan kundi ang gastos.
Sa panahon ngayon na halos lahat ng bilihin at serbisyo ay nagtaasan, hindi na talaga maiisip ng mamamayan lalo na ng mahihirap ang magpa-check-up. Mas uunahin pa rin ang pambili ng pagkain kesa pambayad sa konsultasyon at gamot.
Kung may mga programa ang gobyerno para sa talagang libreng konsultasyon sa mga doktor sana ay mas palawakin pa.
Ipabatid natin sa taumbayan na may serbisyo ang ating pamahalaan na handang umalalay.
Mas mainam na naaagapan ang karamdaman kesa hayaang lumala at mas matinding gamutan na ang kailangan.
Umaasa tayo na magiging mas masigasig ang mga nasa sektor ng kalusugan sa pagpapalawak ng serbisyo-publiko at kusa na itong ilapit sa mamamayan.



Comments