top of page

Publiko, ‘wag mabahala sa madilaw na tubig

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 11, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 11, 2023


Hindi dapat na mabahala sakali man na ang tubig na ginagamit natin sa bahay sa ngayon ay tila may kakaibang kulay.


Ayon sa Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad), “hindi nakakasama” o ‘di harmful ang madilaw-dilaw na tubig na namataan sa ilan sa kanilang service areas ngayong linggo.


Ang tinatawag na discoloration ay dahil sa pagtaas ng manganese sa raw water na dumaraan sa low level outlet ng Angat Dam nitong Huwebes, anang Maynilad.


Paliwanag ni Maynilad water supply operations head Ronald Padua, nagkaroon lamang ng biglaang surge ng level ng manganese na pumasok. At kapag nag-react ito sa chlorine na ginagamit bilang disinfectant, ito ay nagko-cause ng discoloration doon sa tubig sa kanilang system.


Giit niya na ang madilaw na tubig o yellowish water ay sumusunod pa rin sa pamantayan ng Pilipinas.


Sinabi ni Padua na hindi naman talaga ito nakakasama. Nagkataon lang na siyempre, aesthetically hindi magandang tingnan dahil may kulay ang tubig kaya medyo asiwa talaga na ma-consume ito ng mga tao.


Naging normal naman na aniya, ang suplay ng tubig dahil sa pagdaragdag ng mga kemikal sa treatment plant at pag-flush ng pipe network at reservoirs ng Maynilad.


Una nang pinayuhan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang publiko na hayaang dumaloy sandali ang tubig mula sa mga gripo kung ito ay mananatiling madilaw-dilaw at iwasan ang pag-inom ng naturang discolored water.


Sinabi naman ni MWSS chief regular Patrick Ty na sa tingin nila, maaaring potable ito, pero huwag nang i-risk pa dahil sa kalusugan ng mamamayan ang pinag-uusapan.


Sa ngayon, nag-iimbestiga na ang MWSS kung paano maiiwasan na maulit ang naturang isyu.


Nabanggit pa ni Ty na ang Manila Water ay naapektuhan din sa isyu, kung saan agad nitong naresolba at napigilan na kumalat sa kanilang system.


Kahit sabihin na hindi talaga marumi ang tubig na lumalabas sa ating mga gripo at nagkataon lang na may kulay, magkakaroon pa rin ito ng pagdududa sa publiko.


Marahil, tayo na mismo ang kumilos at iwasang inumin at gamitin ito sa ating pagluluto.


At para safe ay bumili o gumamit na lang muna tayo ng mineral water o distilled water na ating iinumin.

Kung medyo nag-aalala rin sa ganitong kulay ng tubig, dapat sigurong ipandilig na lang natin sa ating mga halaman. Puwede ring ipang-flush sa ating mga CR o kaya ay panghugas sa ating mga gamit sa bahay o panlinis ng ating mga sasakyan.


Batid naman natin na napakahalaga talaga ng pagkakaroon ng malinis na tubig sa pang-araw-araw nating pamumuhay kaya panawagan natin sa kinauukulan na sana ay maresolbahan na ang problema sa lalong madaling panahon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page