top of page
Search
  • BULGAR

Publiko sa PNP, ‘wag puro pramis na walang party, totohanin!

ni Ryan Sison - @Boses | November 27, 2020


Bawal ang Christmas party.


Ito ang direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas sa buong puwersa ng PNP gayung hindi hinihikayat ng nasyonal na pamahalaan ang pagkakaroon ng selebrasyon dahil sa COVID-19 pandemic.


Bukod pa rito, kahit ang pagdalo sa Misa De Gallo ay kinokontrol na rin kung saan kahit pa sa Kampo Krame ang misa, kailangang kontrolado o limitado ang mga tao sa tatlumpung porsiyento at hangga’t maaari ay gumamit ng online o video conference.


Gayunman, magkakaroon pa rin ng tradisyunal na Christmas tree lighting ang PNP, gayundin ang bigayan ng regalo, ngunit walang mass gathering.


Matatandaang, naging kontrobersiyal si Sinas dahil sa birthday celebration noong Mayo sa kabila ng mahigpit na pagpapatuad ng quarantine protocols sa Metro Manila, kaya tulad ng inaasahan, may komento na naman ang taumbayan.


Hirit ng ilan, dapat lang na wala silang party dahil kung ang mga lokal na pamahalaan nga ay umatras sa ganitong selebrasyon, dapat lang na sila rin ay may gawin. Sagot naman ng iba, baka gimik lang na wala silang party kuno at baka matulad ang nangyari noong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).


Marahil, duda pa ang ilan sa atin, pero ‘ika nga, wala namang mawawala kung susubukan nating maniwala.


Kaya panawagan sa PNP, tiyaking masusunod ang direktibang ito at ‘wag puro salita. Patunayan nating may isang salita tayo at walang exemption sa kautusan, anuman ang kanilang estado o posisyon sa gobyerno.


Kapag sinabing bawal, bawal. Tulad ng palagi nating sinasabi, prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng lahat, kaya ngayong nahaharap tayo sa kakaibang sitwasyon, magsakripisyo muna.


Puwede namang isantabi ang ganitong selebrasyon at ‘pag bumuti ang sitwasyon, saka tayo magsaya. ‘Ika nga, pass muna sa pagsasaya dahil mas mahalaga na ligtas at ‘wag magkasakit.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page