top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Publiko, respeto sa kalikasan ang kailangan

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 20, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 20, 2024


Kasunod ng mga ulat hinggil sa kontrobersyal na mga resort sa loob ng Chocolate Hills, sa Bohol, ibinunyag ni Senator Raffy Tulfo na mayroon ding mga resort at establisimyento na itinayo sa protected area ng Mt. Apo sa Davao City.


Sinabi ni Tulfo na tinawag ang kanyang atensyon ng isang grupo ng mga mountaineer patungkol sa itinatayo o konstruksyon ng ilang establisimyento sa Mt. Apo National Reserve.


Ang mga establisimyento at negosyong ito ay ilegal dahil ang mga ito’y nasa loob ng Mt. Apo protected area, anang senador.


Ayon kay Tulfo, mayroon silang natumbok na hindi lang sa Bohol, maging sa Mt. Apo sa Davao ay ganoon din ang nangyari. Sa pagitan ng buffer zone, naglipana na parang kabute ang iba’t ibang istruktura ng mga negosyo na bawal dapat dahil ito ay isang protected area. Sa katunayan aniya, inamin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nang tinawagan ng kanyang opisina ang kagawaran tungkol dito, at sinabing binigyan umano nila ng dalawang taong palugit ang mga ilegal na establisimyento para lisanin ang lugar.


Binigyang-diin naman ng senador na hindi na dapat naroon ang mga establisimyento noong una pa lang, at bakit aniya, pinayagan ang mga naturang negosyo. Gayundin, dapat hindi pinatayo ang mga ito sa lugar, at ngayon na nandiyan na, binigyan pa ng kagawaran ng dalawang taon, dapat ay agad-agad na closure ng mga naturang negosyo.


Matatandaan na noong October 2023, nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga panawagan para sa inclusion o pagsasama ng tinatawag na country’s highest peak (Mt. Apo) sa listahan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ng World Heritage Sites.


Tila sunud-sunod na ang mga ginagawang pambabastos sa kalikasan ng iba sa ating mga kababayan.


Nababalahura ang mga pinahahalagahan nating likas na yaman at walang habas na tinatayuan ng mga negosyo para pagkakitaan.


Hindi naman masama ang magtayo ng sariling negosyo na ating ikabubuhay, pero maling-mali ang gagawing ito kung walang kaukulang dokumento at hindi dumaan sa legal na proseso.


Batid din nating lahat, kahit kailan ay hindi maaaring tayuan ng anumang negosyo o establisimyento ang mga protektadong lugar, kaya sana huwag na natin pang ipagpilitan.


Sa kinauukulan, kung ang mga ordinaryong mamamayan ay alam ang batas sa mga ipinagbabawal, higit dapat kayo na mas alam ang mga ito at may awtoridad na magpatupad nito.


Sana lang, gawin nang maayos ang inyong trabaho, maging tapat sa serbisyo at hindi talaga nasusuhulan ninuman. 


Higit sa lahat, matuto tayong rumespeto, hindi lang sa kapwa kundi pati na rin sa ating kalikasan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page