top of page
Search
  • BULGAR

Publiko, makiisa para sa mapayapang eleksyon

@Editorial | October 06, 2023


Inilagay na ng Commission on Elections (Comelec) sa kategoryang “areas of concern” ang 242 barangay kaugnay sa papalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Ito ang pinakamataas na kategorya at nangangahulugan na maaaring magkaroon ng karahasan kaugnay sa eleksyon, matindi ang labanan o may gumagamit na ng partisan armed groups (PAGs). Sitwasyon na maaaring maging ugat para mailagay ang lugar sa ilalim ng “Comelec control”.


Nabatid na sa naturang bilang, 147 barangay ang nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Kasunod ang 60 sa Western Visayas at 21 sa Bicol Region.


Sadyang mas mainit ang eleksyon sa barangay dahil nagiging mas personal ang tunggalian. Tipong magkakakilala, magkakaibigan o magkakamag-anak ang naglalaban.


Hindi rin nawawala ang impluwensya ng mga nasa matataas na posisyon sa gobyerno, bagay na nakakadagdag sa tensyon at gulo. Nand’yan na todo-suporta sa kandidato at ‘pag nanalo, kontrolado na si kap, gagamitin pa ang barangay.


Kaya mainam na bantay-sarado talaga ang mga barangay na posibleng maging marahas ang kampanya at mismong halalan.


Pakiusap din sa publiko na makiisa sa pamamagitan ng simpleng pag-iwas sa anumang masama o ilegal na kalakaran. Huwag tayong makisali sa maruming pulitika. Ang ating gagampanan sa eleksyon ay ang kumilatis ng mga kandidato, pumili ng karapat-dapat at bantayan ang ating boto.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page