top of page
Search
BULGAR

Publiko, makiisa para sa maayos na 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 24, 2023




Nagsimula na kahapon Nobyembre 23 hanggang 26 ang matagal nang pinaghandaan ng Senado na 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31) na pagpupulong ng mga mambabatas mula sa 28 bansa na kaanib nito. Ang Pilipinas ang host country sa taong ito.


Ang APPF31 ay nakatuon sa paghahanap ng pangkalahatang mapagkakasunduan at mapalapit sa umiiral at patuloy pang pag-usbong ng iba’t ibang klase ng pagsubok sa Asia Pacific region.


Ang Pilipinas ay palaging lumalahok sa taunang pagpupulong ng APPF kung saan ay nakakakita tayo ng pagpapahalaga sa mga nagdaang deliberasyon sa kapwa natin parliamentarians, lalo na sa mga isyu na may kaugnayan sa regional security.


Kabilang din sa mga tinatalakay ay ang climate change at sustainable development, free and fair trade, transnational crime, migration at itong pandemya kung saan tiniyak ang post-pandemic economic recovery at marami pang positibong paksa.


Sa panahong ito ng post-pandemic recovery ay malaking pagkakataon ito upang ipakita ng kasalukuyang pamahalaan na ang ating bansa ay muling nagbukas sa international community.


Nagkataon din na sa panahon na tayo ang host sa APPF31 ay parehong taon na ang Pilipinas ay opisyal na lumahok sa Regional Comprehensive Economic Partnership makaraang ang Senado ay sumang-ayon sa ratipikasyon nito noong nakaraang Pebrero.


Dalawang linggo na ang nakararaan, sa gitna ng deliberasyon sa plenaryo hinggil sa panukalang 2023 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang kaakibat na ahensya ay umapela ang pamunuan ng Senado hinggil sa suporta ni Secretary Benhur Abalos Jr. at ng Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. para APPF.


Kailangan nga naman ng sama-samang tulong upang matiyak natin ang kaligtasan ng may 300 legislator at ng kani-kanilang deligasyon at sa pagdaan ng unang araw ay tila maayos naman ang lahat at naipakita natin ang pagiging maasikaso ng isang tunay na Pilipino.


Ito na ang ikalawang pagkakataon na ang Pilipinas ang nag-host ng annual forum na ito na naging dahilan para magsama-sama ang mga parliamentarians mula sa 28 bansa upang pag-usapan ang political, security, socio-economic issues, at higit sa lahat ay mga pagsubok na kinakaharap ng mga rehiyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page