Publiko, mag-ingat sa ‘vishing’ habang papalapit ang ber-months
- BULGAR

- Aug 23
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 23, 2025

Sa panahon ngayon, hindi na lamang magnanakaw sa kalye ang dapat katakutan, dahil mas mabagsik na ang mga scammer na pilit pumapasok sa ating mga telepono at cellphone. Sa papalapit na ang ber-months, kung kailan mas maraming perang umiikot dahil sa bonus at aginaldo, mas lalong nagiging aktibo ang mga cybercriminal.
Ito ay sadyang nakababahala dahil hindi na lang basta phishing sa text o email ang kanilang kayang gawin, at ito ang ‘vishing’ o voice phishing, isang uri ng scam na tumatawag sa telepono para linlangin ang mga tao at mahuthutan ng pinaghirapang kita at ipon.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang mga scammer ay nagpapakilalang taga-bangko, SSS, o GSIS, saka ipaparamdam sa biktima na may problema ang kanilang account. Sa gulat at kaba, madali silang mapasunod na magbigay ng sensitibong impormasyon gaya ng PIN o OTP.
Ang matindi pa, bihasa na sila rito at may script na parang totoo at mahusay ang diskarte para madali kang maniwala. Kahit sinong ordinaryong mamamayan, maging estudyante, manggagawa, o propesyonal, ay posibleng mabitag kapag hindi nag-ingat.
Hindi rin nakapagtataka kung bakit dumarami ang ganitong kaso tuwing ber-months. Paliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG), sinusundan ng mga scammer ang uso at galaw ng tao, gaya ng panahon ng handaan, pamasko, at mga bonus, kaya’t mas marami silang natatarget.
Katunayan, umabot na sa mahigit 22,000 kaso ang naitala noong 2024, at libo na rin ang nahuli sa pamamagitan ng entrapment operations. Subalit kahit may mga napaparusahan, hindi pa rin matibag ang ugat ng problema.
Ang totoo, hindi lang pulisya at ahensya ng gobyerno ang dapat kumilos. Kailangang maging mas agresibo ang kampanya ng mga bangko, e-wallet providers, at iba pang institusyon sa pagbibigay ng kaalaman.
Pero higit sa lahat, responsibilidad ng bawat isa na maging mapagmatyag at mapanuri. Sa bawat tawag o mensahe, mas mabuting magduda muna o magdalawang-isip kaysa magsisi.
Malinaw na ang laban kontra-cybercrime ay hindi lang tungkol sa batas at teknolohiya kundi sa disiplina at kamalayan ng bawat isa. Higit din dito, huwag na huwag tayong magpapaloko.
Sa halip na magpabiktima, gawin nating sandata ang pagiging mapanuri at maalam. Dahil ang magandang regalo na puwede nating matanggap sa darating na Kapaskuhan ay hindi lamang mga bonus kundi ang kapanatagan ng loob na ligtas ang ating mga pinaghirapan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments