top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Publiko, isumbong agad maispatan na fake enforcer

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 20, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 20, 2024



Boses by Ryan Sison


Babala sa mga motorista hinggil sa nagpapanggap na traffic enforcer na manghuhuli at magtatangkang mangikil sa kanila ng pera.


Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Romando “Don” Artes, isang video ang kumakalat ngayon sa social media ng isang lalaking naghihingi ng pera sa isang motorista na na-flag down nito dahil sa umano paglabag sa trapiko. 


Giit ni Artes, ang lalaki sa viral video ay hindi empleyado o traffic enforcer ng MMDA at lalong hindi affiliated sa kagawaran. 


Kaya naman agad na nag-alok ang MMDA official ng P10,000 reward o pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon o tip sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng naturang motorcycle rider na nagpanggap na traffic constable at nagtangka pang mang-extort ng pera sa isang motorista.


Gayunman, ang motorista na sinubukang kikilan ng pera ng pekeng MMDA enforcer ay nakapag-record naman ng video ng kanilang pag-uusap. Gayundin, nang hingan ng motorista at kasama nito ng ID ang bogus na enforcer ay agad itong tumakas.


Sinabi ni Artes na sa kanilang pag-verify, hindi nila ito empleyado at nagpapanggap lamang ito na empleyado ng MMDA para mang-extort ng pera sa mga motorista. Aniya pa, bukod sa pagbibigay ng kagawaran ng pabuya ay magsasampa rin sila ng reklamo laban sa pekeng enforcer.


Mabuti ang ginawa ng ahensya na ipinost sa kanilang official Facebook page ang larawan ng naturang rider o fake MMDA enforcer na kitang-kita ang mukha dahil tiyak na makikilala agad iyan ng mga kababayan.


Malaking tulong kasi sa publiko ang ganyang impormasyon at anunsiyo para maging babala sa lahat habang madali namang mahuhuli ang mga kawatan. 


Sa ating mga kababayan, sakaling may maispatan na bogus na traffic enforcer o kahit na magpapanggap na law enforcer ay huwag sanang mangiming isumbong at i-report ito sa kinauukulan para naman agad silang maparusahan at hindi na makapangbiktima pa. 


Sa iba riyan na walang ginawa kundi ang manloko ng kanilang kapwa, tigilan na ang ganitong masamang gawain. Makonsensya sana habang lumaban ng patas. Isipin din natin na mas masarap sa pakiramdam na ang perang ipambibili natin ng pagkain para sa ating pamilya ay nanggaling sa ating pinagpaguran. Higit sa lahat mas pairalin natin ang gumawa ng mabuti nang sa gayon ay maging maayos at mabuti rin ang ating pamumuhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page