Publiko, hinay-hinay kahit Semana Santa
ni Ryan Sison - @Boses | April 12, 2022
Kaugnay ng paggunita ng Semana Santa, nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health standards ngayong Holy Week.
Kabilang sa pakiusap ng DOH ang palaging pagsusuot ng face mask at isolation kapag masama ang pakiramdam, gayundin, tiyaking maayos ang sirkulasyon ng hangin sa lugar na ginagalawan at doblehin ang proteksiyon sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
Muli ring hinikayat ng kagawaran ang mga Katoliko na itigil na ang pagpepenitensiya dahil sa banta ng sakit tulad ng tetano at bacterial infection na dulot nito at hindi rin ito hinihikayat ng Simbahang Katolika.
Gayundin, patuloy ang paalala na iwasan ang paghalik sa mga santo at santa at iba pang imahen at poon sa ating mga simbahan dahil maaari itong maging paraan ng transmission.
Hindi tulad ng mga nakaraang taon, mas maluwag nating magugunita ang Semana Santa ngayong taon. Kaya malamang, mas maraming interzonal at intrazonal movement, ibig sabihin, asahan na ang pagdagsa ng mga tao sa iba’t ibang lugar.
Hindi man maiwasan ang paggalaw ng publiko, hindi natin dapat kalimutan ang pag-iingat sa lahat ng pagkakataon.
Kaya tulad ng paulit-ulit na pakiusap sa taumbayan, hinay-hinay lang. Nar’yan pa rin ang virus at isa pa, may banta ng mga bagong variant.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments