Publiko, ‘di dapat ignorante sa monkeypox
ni Ryan Sison - @Boses | August 2, 2022
Matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng monkeypox sa bansa, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palakasin pa ang awareness o kaalaman ng publiko tungkol sa naturang sakit.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, pangunahing concern ng Pangulo na maipakalat ang impormasyon para maging aware o magkaroon ng sapat na kaalaman ang taumbayan at mag-ingat sa sakit.
Samantala, tiniyak ng DOH na karaniwang mild ang mga sintomas ng monkeypox at hindi ito nakamamatay. Paliwanag ng kagawaran, mas nakahahawa pa rin ang smallpox at COVID-19 kaysa sa monkeypox, ngunit binigyang-diin na hindi pa rin dapat makampante ang publiko.
Maganda ang nais ng Pangulo na palakasin ang kaalaman ng taumbayan sa naturang sakit, pero ang tanong, paano natin ito gagawin?
Mahalagang maunawaan ng publiko kung ano ang sakit, mga sintomas nito, gayundin kung paano ito nakakahawa. Isama na rin ang pagpapaliwanag ng mga dapat at hindi dapat gawin upang hindi mahawa.
Kapag alam ng publiko ang mga ito, maiiwasan ang pagkalito at takot, gayundin, mas magiging maingat ang lahat.
Malamang na kakailanganin natin ang tulong at alalay ng mga eksperto upang maipaunawa sa mamamayan ang mga dapat malaman.
Ngunit sa ngayon, habang pinapawi natin ang takot ng taumbayan sa sakit, kailangan ding matiyak ng pamahalaan na hindi kakalat ang monkeypox kahit pa nagkaroon ng panibagong kaso at manatiling handa sa lahat ng pagkakataon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments