Psychologist sa bawat eskwelahan kontra suicide
- BULGAR
- Oct 26, 2023
- 1 min read
@Editorial | October 26, 2023
Nakababahala ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nagpapakamatay.
Base sa impormasyon mula sa Department of Education (DepEd), 404 estudyante ang napaulat na nagpakamatay sa taong 2021-2022, bukod pa sa 2,147 na nagtangkang mag-suicide.
Problema na hindi dapat balewalain sa halip ay kailangang mas matutukan para ‘di lalong lumala.
Sa ngayon, may panukalang batas na inihain, ang Senate Bill No. 1669, o ang Act to Provide Early Youth Suicide Intervention and Prevention Expansion sa layong mapagtibay pa ang mga hakbang na maaaring gawin para mapigilan ang suicide sa hanay ng mga estudyante.
Layon din ng panukala na magkaroon ng “life planning education” sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pagsasanay at kaalaman sa “stakeholders” sa mga paaralan.
Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng psychologist sa bawat eskwelahan.
Matapos ang COVID-19 pandemic, napatunayang lumala ang kalagayan ng mental health ng mga kabataan. Bagay na kailangang matugunan sa tulong ng counseling at mental health improvement sessions.
Mahalaga ring maunawaan natin na ang pagtulong sa mga kabataan na dumaranas ng depresyon ay hindi lamang tungkulin ng mga magulang o pamilya kundi ng buong komunidad, ng bawat kasapi ng lipunan.
Panatilihin ang maayos na pakikitungo at huwag tayong mapagod na makinig at umunawa.
Higit sa lahat, lagi natin silang bigyan ng pag-asa anuman ang sitwasyon ng buhay.



Comments