Psycho test, planong idagdag sa driver’s license requirement
ni Ryan Sison @Boses | Enero 22, 2024
Dahil sa pagdami ng kaso ng road rage sa ating bansa, pinag-iisipan nang isama sa requirement sa pagkuha ng driver’s license ang psychological test.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza, pinag-aaralan na nila na idagdag sa requirement kung kukuha ng driver’s license ang mga motorista, ang psychological test bukod sa dati nang kailangan na driving and medical test.
Sinabi ni Mendoza na sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Medical Association (PMA) tungkol dito pero hindi ito agad na maipapatupad dahil marami pang pag-aaral ang kailangang gawin ng kagawaran para maidagdag sa mga requirement sa pagkuha ng driver’s license.
Bukas naman sila sa lahat ng opsyon na makakatulong sa problema lalo na’t dumarami ang kaso ng road rage sa iba’t ibang lugar sa bansa. Gayunman aniya, kung may 10 porsyento lamang ang pasaway na mga driver at mabibigatan naman ang 90 porsyentong drivers sa dagdag-requirement, mas mabuting huwag na munang ituloy.
Depende ito dahil pag-aaralan pang mabuti ng kagawaran.
Matatandaang sa Metro Manila pa lamang ay may higit 10 motorista ang naipatawag ng LTO na nasangkot sa road rage na kanilang dinisiplina.
Maganda ang layunin ng kinauukulan na magkaroon ng psychological test ang bawat motorista na kukuha ng kanilang driver’s license.
Marami na rin kasing mga driver sa ngayon ang maiinitin ang ulo at madaling magalit.
Dahil na rin siguro ito sa nararanasang matinding traffic sa mga lansangan, kaya nauubusan sila ng pasensya at ang resulta ay pagkakaroon ng away sa pagitan din ng mga motorista.
Marahil, hindi naman magiging pabigat sa mga driver kung idadagdag ito sa requirement para sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Bukod kasi na dapat mahusay na mag-drive, kung saan batid mo ang mga batas-trapiko, dumaan din sa medical test at iba pang requirement, hindi ba’t mas mabuting maayos at matino ang pag-iisip habang tayo ay nagmamaneho?
Paalala sa ating mga kakabayan na maging responsable sana lagi tayo sa ating pagmamaneho. Hindi porke binigyan tayo ng lisensya ay malaya nating gawin ang kahit na ano. Dapat na matuto tayong rumespeto sa batas at kapwa natin driver. Isipin natin na ang pribilehiyong mabigyan ng lisensya ay may kaakibat na responsibilidad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments