top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Protektahan ang ‘vulnerable sector’, protektahan ang sarili

  • BULGAR
  • Apr 18, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 18, 2021


Pangalawang balik na ni dating Pangulong ‘Erap’ sa ospital. Nasa mga pahayagan ang balita tungkol sa kanyang pagkaka-ospital. Hindi kagulat-gulat ang pagbubulgar sa kanyang kondisyon na dalawang ulit na naipasok sa ospital, dahil siya’y aritista at dati ring Pangulo ng bansa. Ngunit, ano kaya ang kalagayan ng karaniwang mamamayan na hindi kilala sa lipunan o walang kakilala at malakas na koneksiyon?


Naalala natin ang gumising sa ating tawag ng parukyano bandang alas-4:00 ng umaga. Umiiyak ang tumawag. Ilang araw na mula nang maipasok ang kanyang asawa sa emergency room nang sabihan siya na kailangang ma-ICU ang kanyang asawa ngunit kailangan na nilang umalis at maghanap ng ibang ospital dahil wala silang anumang rekomendasyon.


Malaki na ang tiniis ng tumawag sa kanyang pagbabantay sa kanyang asawa. Dahil hindi niya maaaring makita ang kanyang asawa, napilitan siya, tulad ng marami na matulog sa ilalim ng langit o sa ilalim ng puno. Kung kakailanganin, handa siyang magtiis pa, mailigtas lang ang kanyang mahal na asawa. Wala tayong kilala sa naturang ospital, ngunit nangako tayong tutulong. Sa loob ng isang oras, nakausap natin ang prominenteng doktor na merong kakilala sa loob ng ospital. Napapayag niya ang namumuno sa departamento na i-endorse ang parukyano na nasa malubhang kalagayan dahil sa COVID-19.


Natanggap sa ospital ang ating kaibigan at nabigyan ito ng mga gamot at treatment mula paglalagay ng canola na nagbibigay ng high-flow oxygen hanggang sa pagbibigay ng hemo-transfusion na kamag-anak ng dialysis. Pagkatapos ng ilang araw, muling tumawag ang parukyano na nagbigay ng malungkot na balita ng kamatayan ng kanyang asawa.


Hindi tayo nag-aksaya ng panahon. Mabilis tayong tumungo sa kinauukulang ospital. Pagdating doon. Bumaba tayo sa sasakyan at lumapit sa asawa ng kamamatay lang na maysakit. Ngayong patay na ang kanyang asawa, kailangan nang gawin ang dapat gawin.


Kailangang magbayad na ng utang sa ospital para makuha ang death certificate at ang gate pass para makuha ng punerarya ang bangkay. At kapag hawak na ang death certificate dahil nabayaran na ang obligasyong-pinansiyal sa ospital, maaari nang makipag-usap sa anumang punerarya para masimulan ang paglalamay.


Upang maabot natin ang naturang “herd immunity,” kailangang mabakunahan ang 70 milyong mamamayan. Subalit pagkaraan ng ilang buwan, iisang milyon pa lamang ang nababakunahan. At sa bilang ng mga nabakunahan, 162,000 pa lamang ang nakatanggap na ng pangalawang dose ng bakunang laban sa COVID-19.


Sinu-sino ba ang dapat unahin? Mabuti’t merong listahan, priority list para sa pagtanggap ng bakuna, subalit hindi ito ang problema. Napakabagal ng pagbabakuna sa mukha ng matinding pagkalat ng pandemya na meron nang iba’t ibang variant na mas mabangis at mas mabilis kumalat. Sa gitna ng ganitong panganib, mahalagang makita ng mamamayan ang pagiging seryoso at handang kumilos at maglingkod ng pamahalaan. Anuman ang tunay nilang dahilan, hindi ganito ang nakikita at nararamdaman ng taumbayan.


Sana ay kumilos na ng maayos at mabilis ang pamahalan para hindi na lumala pa ang pagkalat ng pandemya sa mahihina at may sakit, pati na sa malulusog at malalakas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page