top of page

Protektahan ang likas-yaman sa bansa, protektahan ang kalikasan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 22, 2020
  • 2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | October 22, 2020



Kamakailan lang ay naghain tayo ng panukalang-batas sa Senado para magtayo ng Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB) sa Department of Environment and Natural Resources.


Inihain natin ang Senate Bill No. 1878 pagkatapos umapela si DENR Sec. Roy Cimatu sa Senado na gumawa ng batas tungkol dito.


Nilalayon nitong mabigyan ng sapat na kapasidad at kapabilidad ang DENR na gampanan ang isa sa pinakamahalagang responsibilidad nito, ang pagbantay sa ating mga likas-yaman at pagpapatupad ng mga environmental laws.


☻☻☻


Matinding panganib ang hinaharap ng ating mga environment field officers sa kanilang trabaho. Kulang sila ng training at kagamitan para pigilan ang mga nais pagsamantalahan ang yaman ng kalikasan.


Si Forester Danilo Pascasio II ang pinakahuli sa mga field officer na nabiktima ng karahasan tungo sa mga environmental protectors natin.


Nag-agaw-buhay si Forester Pascasio, na forest management specialist sa Aurora, pagkatapos siyang atakihin ng illegal logger na tinulungan niyang madakip.


Ayon sa Global Witness na international environment watchdog, 46 environment defenders ang namatay sa bansa noong 2019. Nabansagan ding “most dangerous country” para sa mga environment defenders ang Pilipinas noong 2018.


☻☻☻


Marami ang umaasang mapupunan ng pagkapasa ng EPEB bill ang mga pagkukulang na pumipigil sa ahensiya na mas epektibong gampanan ang mga tungkulin nito.


Iko-consolidate sa EPEB ang lahat ng enforcement functions na sa kasalukuyan ay responsibilidad ng iba’t ibang bureau at attached agencies ng DENR.


Magtatatag din ng Environmental and Natural Resources Law Academy para sa training ng mga ENR law enforcers.


Papayagan din ang mga ENR law enforcers na humawak ng baril sa kanilang field operations.


Magkakaroon din ng forensics laboratory para siguradong science-based ang pagkalap ng ebidensiya laban sa mga environmental law violators.


Mabibigyan din ng authority ang DENR na mag-issue ng Cease and Desist Orders, at iba pang utos para tanggalin, baklasin o sirain ang mga ilegal na istruktura sa mga prohibited area nang hindi nangangailangan ng Judicial Order mula sa mga korte.


Bibigyan din ng authority ang EPEB Director-General o representative nito na mag-issue ng Notice of Violation and Seizure Order.


☻☻☻


Umaasa tayong ipapasa ng buong Kongreso ang panukalang ito.


Protektahan natin ang kalikasan.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page