Proteksyunan ang mga bata laban sa online sexual abuse
@Editorial | Pebrero 20, 2023
Nakababahala na Pilipinas pa rin ang sinasabing top source ng child sexual abuse and exploitation materials sa buong mundo.
Pinagpipiyestahan at pinagkakakitaan ang mga batang walang kalaban-laban.
Kaya bilang magulang, kailangan nating mas paigtingin ang pagbabantay sa ating mga anak.
Tanggapin natin ang katotohanan na hindi ito magagawa nang mag-isa ng ating gobyerno.
Maaaring may mapanagot na iilan, pero nagkalat pa rin ang mga abusado at manyak.
Kung inaalala natin na baka ang pagkahumaling ng mga bata sa internet ang maghahatid sa kanila sa kapahamakan, sa halip na pagbawalan ay gabayan natin sila.
Tayo ay nasa modern world na, bahagi na ng ating buhay ang internet at social media.
Dahil sa internet, nagagawa nating magbahagi ng impormasyon at napapalawak ang komunikasyon. Gayunman, nar’yan din ang mga websites na may mga pornography, conspiracy, pagsusugal, at marami pang ibang ilegal na gawain na puwedeng malantad ang mga bata.
Bilang magulang, ito ang dapat nating bantayan, kailangan nating sumabay sa teknolohiya.
Mahalaga na maging bukas ang komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak. Kung may mga bagay silang sine-search online, gamitin itong pagkakataon para sa pagbubukas ng discussion hinggil sa usaping kailangan nilang malaman. Hindi dapat ito maging dahilan upang sermunan sila kung bakit nila hinahanap ang ganitong mga bagay.
Ang pinakamahalaga, maging mabuting halimbawa sa mga anak. Ipakita sa kanila kung paano maging responsableng netizen.
Muli, huwag nating ituring na kaaway ang internet, sabayan natin ito at gamitin sa mabuti, kung may banta, pigilan, lalo na kung mga bata ang malalagay sa alanganin.



Comments