top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Proteksyon sa lahat ng OFWs

BULGAR
Nov 6, 2022
1 min read

@Editorial | November 6, 2022


Bukas, Nobyembre 7, inaasahang ibabalik na ang deployment ng bagong household workers pa-Saudi Arabia.


Kaakibat nito ang mas mahigpit na proseso para hindi na maulit ang pang-aabuso sa mga overseas Filipino workers (OFWs).


Unang nagkasundo ang Pilipinas at Saudi Arabia noong Setyembre sa pagtanggal ng deployment suspension.


Sa ilalim ng kasunduan, dapat may insurance ang mga empleyado para sa kanilang kaligtasan oras na hindi sila pasahurin ng employer. Electronic na rin ang pagpapasahod para madaling ma-monitor.


Dapat ding magtalaga ng welfare officer ang mga recruitment agency ng Saudi Arabia at Pilipinas para tutukan ang mga reklamo ng mga OFWs.


Magpapalitan ng blacklist ang dalawang bansa para hindi na makuha ng worker ang mga tiwali at abusadong employer at ahensya.


Higit sa lahat, kailangang pumasa sa whitelist ang mga recruitment agency na nais mag-deploy ng manggagawa sa Saudi — walang kaso, walang violation, walang order for repatriation.


Employer at recruitment agency din dapat ang gumastos sa muling pagproseso ng mga dokumento ng worker.


Saanmang sulok ng mundo, marapat lang na maprotektahan ang lahat ng Pinoy, manggagawa man o hindi, laban sa anumang uri ng pang-aabuso.


Kasabay nito, kailangan ding magkaroon pa ng mas maraming trabaho at oportunidad sa 'Pinas para hindi na makipagsapalaran at malayo sa pamilya ang ating mga kababayan para makapagtrabaho.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page