top of page

Programa para sa mahihirap na pamilya, dagdagan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 21, 2023
  • 1 min read

@Editorial | September 21, 2023


Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi na nakakagulat ang report na nagsasabing dumami ang pamilyang mahirap.


Base sa 2nd Quarter survey ng OCTA Research group, dumami pa ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nagsasabi na ikinukonsidera nila ang sarili na mahirap.


Batay sa resulta ng survey, na isinagawa noong Hulyo 22 hanggang 26, 50 porsyento ng 1,200 respondents ang nagsabi na ang kanilang pamilya ay mahirap. Ito ay tumaas ng pitong porsyento kumpara sa naitalang 43 porsyento noong Marso.


Ang naitala ay nangangahulugan na 13.4 milyong pamilya sa bansa ang nagsabi na sila ay mahirap, kumpara sa 11.3 milyon sa naunang survey ngayong taon.


Kaya marapat lang na doblehin pa ang kayod ng mga nasa gobyerno para maalalayan ang mga mahihirap. Ipagpatuloy at mas palawakin pa ang mga programa at proyekto na nagbibigay ng oportunidad sa trabaho at kabuhayan.


Malaking tulong ang mga ayudang ibinibigay sa mahihirap pero 'pag tinanong natin ang mga benepisyaryo, ang sinasabing higit nilang kailangan ay trabaho.


Ito ang mag-aahon sa pamilyang naghihirap. Magkaroon lang ng isang miyembro sa mag-anak na may matatag at maayos na trabaho, kahit paano ay masusuportahan na ang iba hanggang sa magkaroon na rin siya ng katuwang sa paghahanapbuhay.


Lagi sanang magkaroon ng pagkakataon ang bawat mamamayan na maiangat ang kanyang sarili at kanyang pamilya mula sa kahirapan para umangat din ang ating bayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page