top of page

Prof. sa Journalism, nagsalita, may nilabag daw sa Code of Ethics… KORINA AT JULIUS, SABLAY SA INTERVIEW SA MAG-ASAWANG DISCAYA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 24, 2025



Mayor Vico Sotto viral posts - Korina, Julius on Discaya - FB

Photo: Mayor Vico Sotto / viral posts / Circulated - FB

  

Hot topic pa rin hanggang ngayon si Julius Babao dahil sa panayam niya sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya kung saan ipinakita sa Unplugged YouTube (YT) channel nito ang napakaraming high-end cars ng mga Discaya at ang pag-aming yumaman sila dahil sa Department of Public Works and Highways (DPWH) projects nila.


Kabilang ang mga negosyo ng mag-asawang Discaya sa mga binanggit ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na 15 contractors na may diumano’y anomalya sa flood control projects.


Napakaraming online hosts na ang nakisawsaw sa isyung Julius Babao with Sarah at Curlee na kinastigo ni Pasig City Mayor Vico Sotto. Isa na rito ang dating news reporter ng TV Patrol na si Christian Esguerra at professor ng Journalism sa University of Santo Tomas (UST).


Sa kanyang Facts First (FF) YT channel ay nagbigay siya ng pahayag tungkol sa panayam ni Julius sa mga Discaya, base na rin daw sa mga requests sa kanya dahil nagtuturo nga siya ng Journalism Ethics sa UST.


Simula ni Prof. Esguerra, “Hindi ko naman napanood nang buo dati ‘yun (vlog ni Julius), nakita ko lang ‘yung mga clips na nagsusulputan.


“Ang dami kong nakitang ethical issues doon sa interview ni Julius Babao at saka ni Korina Sanchez sa mga Discaya.” 


Wala naman daw siyang personal na galit sa dalawang broadcast journalists.

“Pero ang dami kong nakitang ethical issues pagdating po sa journalism dito sa kanilang mga ginawang interview.


“Unang-una, ‘yung atake ng interview. Maganda nga na nagsalita itong si Mayor Vico Sotto kaya saludo rin tayo dito, he called a spade a spade. Hindi lang ako sigurado sa binanggit niya na halaga raw para ru’n sa interview, I wouldn’t know.


“Pero ‘yung ethical issues na obvious na obvious, unang-una, bakit mo iinterbyuhin ang mga Discaya bago mag-eleksiyon? Obviously, gustong i-promote ang mga sarili nila. Number 2, hindi puwedeng palusot ‘yung ‘lifestyle interview’ na binanggit.


“Pero makikita n’yo ‘yung binanggit ni Mayor na grey area, palusot po ‘yun. Kaya hindi mo maiwasan ang mga tao na kumita, ‘yung mga vloggers na ‘yan o nabayaran du’n sa interview na ‘yun.


“Again, we wouldn’t know dahil sila lang ang makakasagot nu’n at ‘yan ang problema sa ganyang kalakaran, hindi mo alam kung nagkapalitan ng pera. Magkakaroon ka lang ng hinala,” pahayag ni Prof. Christian.


Nabanggit pa na magkakaroon lang ng bayad sa mga viewerships kung maraming nanonood o milyun-milyon ang nanonood. 


“I don’t know. Pero kung kumita pa sila lalo kunwari binayaran sila ng mga Discaya para interbyuhin sila, eh, lalong napaka-unethical po nu’n.


“Next point naman po nu’n, ‘yung atake ng interview. Kung ikaw, respetadong journalist ka at gusto mo talaga silang interbyuhin, dapat at the very least probing questions, hindi ‘yung tipong ang lamya-lamya,” paliwanag pa ng propesor.


Naikumpara pa ang panayam ni Julius sa isang sports analyst, television personality and radio host na si Stephen A. Smith na ininterbyu si Floyd Mayweather, Jr. at ibinida raw ang kanyang car collections at mansion.


“Tapos, si Stephen A. Smith ay talagang manghang-mangha, tapos mesmerized s’ya as an interviewer, tapos mga tanong n’ya, napaka-softball, napaka-patronizing, etc.

“Naalala ko ‘yung interview na ‘yun ni Stephen A. Smith kay Floyd Mayweather dito sa interview ni Julius Babao sa mga Discaya. Nandu’n ka na, eh, sana, diniinan mo na ‘yung tanong.


“Naitanong naman na kahit papaano na medyo malamya, although hindi naman kilala si Julius Babao bilang isang hard-hitting journalist at may mga nagkukuwestiyon pa nga kung journalist s’ya at all. Journalist naman si Julius at newsreader d’yan sa TV5. 

“Pero again, sorry sa mga colleagues natin, you have to be discriminating naman kung alam ninyong nagagamit kayo sa ganyang interviews, eh, hinay-hinay naman,” pahayag pa ni Prof. Christian.


“Kasi hindi puwedeng nagdi-discuss tayo ng mga maling gawi ru’n sa mga tao na ginagawa sa pamahalaan o nasa kapangyarihan, o magbubulag-bulagan tayo rito sa mga questionable practices at the very least ng ating mga kabaro, ng ating mga kasama sa industriya,” diin pa niya.


Sabi pa nito, “I don’t like din ‘yung mga journalists na napakaseryoso pagdating sa mainstream media pero pagpunta naman sa social media, kung anu-anong walang kapararakan ang ginagawa nila para lang kumita, ‘yung meron silang split personality?


“‘Yung seryoso sa mainstream, pero sa social media, puro kababawan, ‘di ba? Wala naman akong pakialam kung talagang mababaw na tao sila pero ‘wag nang magpanggap, at sana, ‘wag magpagamit du’n sa mga taong questionable ang character, ‘yun ang punto ko po.

“Sana, ‘wag nang magpagamit,” huling hirit pa nito.


Anyway, bukas ang BULGAR sa panig nina Julius Babao at Korina Sanchez tungkol sa mga sinabi ng kabaro nilang si Prof. Christian Esguerra.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page