Producer ng 'Titanic' at 'Avatar' na si Jon Landau, pumanaw sa edad na 63
- BULGAR
- Jul 7, 2024
- 1 min read
ni Eli San Miguel @Entertainment News | July 7, 2024

Pumanaw na sa edad na 63 ang Oscar-winning producer na si Jon Landau, na kilala sa kanyang mga kolaborasyon kasama ang direktor na si James Cameron sa mga blockbuster hits tulad ng "Titanic" at dalawang "Avatar" movies.
Inihayag ng kanyang pamilya ang pagkamatay ni Landau nitong Sabado, ngunit hindi ibinunyag ang dahilan.
Ang kolaborasyon ni Landau kay Cameron ay nagresulta sa tatlong nominasyon sa Oscar at pagkapanalo bilang Best Picture para sa "Titanic" noong 1997. Lumikha rin sila ng ilan sa pinakamatutunog na blockbuster sa kasaysayan tulad ng "Avatar" at ang sequel nito na "Avatar: The Way of Water."
Siya ang nagsilbing producer sa "Titanic," ang epiko ni Cameron tungkol sa maritime disaster noong 1912. Nagtagumpay ang kanilang teamwork dahil ang "Titanic" ay naging unang pelikula na umabot sa $1 bilyon ang global box earnings at nanalo ng 11 Oscar awards.
Nagpatuloy ang kanilang kolaborasyon hanggang sa umakyat si Landau sa senior role sa Lightstorm Entertainment ni Cameron. Noong 2009, ipinagdiwang nila ang paglabas ng "Avatar," isang sci-fi epic na gumamit ng makabagong 3D technology, na tumalo sa "Titanic" sa takilya at naging highest-grossing film of all time.
Ang sequel nito na “Avatar: The Way of Water” ay pangatlo sa listahan.
Ipinanganak si Landau noong Hulyo 1960 at nagtapos sa film school ng University of Southern California.





Comments