Problemado sa mama's boy na BF, makakatuluyan pa rin
- BULGAR
- Jun 11, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 11, 2021
Dear Maestro,
May boyfriend ako at siya ang first boyfriend ko. Wala pa kaming one year, pero marami na akong problema at sakripisyo sa kanya dahil mama’s boy siya, pero mabait naman. Halos lahat ng sinasabi ng mama niya ay sinusunod niya kahit apektado na ang aming relasyon. Pinagbabawalan kasi siyang mag-girlfriend hangga’t hindi siya nagkakaroon ng trabaho kaya lihim ang relasyon namin. Madalas ding ako ang nag-a-adjust sa mga personal na problema namin dahil sa family niya. Kaya ngayon, iniisip ko rin kung magtatagal ba ang ganito naming relasyon na magulo at kumplikado talaga.
Sana ay mapayuhan n’yo ako dahil mahal na mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin, pero nahihirapan na talaga ako sa sitwasyon namin.
May pag-asa bang kami ang magkatuluyan at kapag nagkatuluyan kami, hindi ba magulo rin tulad ng family nila ang magiging pamilya namin? March 17, 1994 ang birthday at July 16, 1993 naman ang boyfriend ko. Compatible ba kami at kami na ang magkakatuluyan?
Umaasa,
Jho Anne ng Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan
Dear Jho Anne,
Ganyan talaga ang buhay, kapag nagmamahal, kailangang mag-sacrifice alang-alang sa iyong minamahal. Ang totoo kasi nito, walang kuwenta ang pag-ibig kung walang sakripisyo na ginagawa ang bawat isa dahil ang mga pagtiiis at sakrisyong ito ang tunay na nagpapalalim sa inyong ugnayan at pag-iibigan.
‘Ika nga ni Mother Teresa, “I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love,” ibig sabihin, ang tunay na esensya ng pag-ibig ay ang masaktan at sa sandaling puro sakit na lang, lulutang ang tunay na diwa ng pagmamahal.
Ang problema lang sa sitwasyon mo ay ang pangyayaring tila ikaw ang palaging nagtitiis at nagbibigay sa boyfriend mo, pero alam mo okey lang ‘yun dahil sabi mo nga, mahal na mahal mo naman siya.
At hangga’t kaya mong magtiis at mag-sacrifice dahil sa pag-ibig na inuukol mo sa kanya, sumige ka lang nang sumige dahil sa bandang huli, kapag nag-mature na ang boyfriend mo, sa panahon namang ‘yun ay kusa nang magiging maligaya ang inyong relasyon.
Hindi ka rin naman dapat na mag-alala dahil magiging maligaya ang inyong relasyon ‘pag tumagal dahil ang zodiac sign mong Pisces na may elementong water o tubig ay tulad ng zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo, na nagtataglay din ng elementong tubig o water. Ibig sabihin, ayon sa Western Astrology, sadyang tugma at compatible talaga kayong dalawa.
Habang sa Numerology ay ganundin, ang strong number mong 17 o 8 (ang 17 ay 1+7-8) ay tugma sa weak number na 16 o 7, (ang 16 ay 1+6=7) ng boyfriend mo. Ito ay dahil ang pagsasama ng weak at strong number o weak at strong personality ay sadyang balanse. Dahil dito, darating ang panahong may pangako ng isang wagas, masagana at maligyang relasyon habambuhay. Sa madaling salita, kaunting tiis pa dahil umiibig ka.
Hanggang sa bandang huli, mararating din ng inyong relasyon ang highest point ng isang tunay at wagas na pagmamahalan. Kasabay nito, malalasahan din ng boyfriend mo ang mga sacrifices na ginagawa mo para sa kanya, upang pagdating ng panahong ‘yun ay lalo ka niyang iibigin at mamahalin, hanggang sa kayo na ang magkatuluyan at makakabuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, na ayon sa iyong Love Calendar ay nakatakdang mangyari sa taong 2022 sa edad mong 28 pataas at 29 naman ang boyfriend mo.



Comments