top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Problema sa fake news, palala nang palala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 13, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 13, 2022


Imbes na matuldukan, tila lalo pang lumalala ang problema ng bansa pagdating sa ‘fake news’.


Lumabas sa isang survey na isinagawa ng Pulse Asia na mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang problema na ang pagkalat ng maling impormasyon sa bansa.


Base sa survey na ginawa noong Setyembre 17 hanggang 21, 86% ng mga Pilipino ang nagsasabing, kadalasan ay galing sa mga internet personalities ang mga naturang maling impormasyon. Gayunman, 14% ang nagsabing hindi ito problema ngayon.


Kung medium ang pag-uusapan, naobserbahan ng Pulse Asia na maraming Pinoy ang naniniwala na numero-unong source ng pekeng impormasyon ang internet o social media, pangalawa ang telebisyon, na sinundan pa ng radyo.


Gayundin, pinaniniwalaan ng mga Pilipino na ang mga sumusunod na grupo o tao ang nagpapakalat ng fake news; social media influencers, 58%; journalists, 40%; national politicians, 37%; civic leaders/non-government organization leaders, 15%; negosyante, 11%; akademiko, propesor, guro, 4%.


Dati nang problema ang disinformation sa internet, kaya naman naglunsad ng iba’t ibang fact check initiatives ang mga lehitimong peryodista laban sa pagkalat nito.


Nakakalungkot dahil sa kabila ng inisyatibo ng ilan na tumulong upang masugpo ang pagkalat ng maling impormasyon, nananaig pa rin ang fake news. Ang masaklap pa, parami nang parami ang nabibiktima.


Batid nating marami pang dahilan kaya hindi nasusugpo ang fake news. Isa pa, malawak ang internet at marami itong nararating na tao, kaya kung patuloy na lalaganap ang fake news sa pamamagitan ng mga social media influencers, ano na lang ang mangyayari sa ating mga kababayan?


Sa panahon ngayon, mas pinaniniwalaan ng ilan ang mga nababasa sa internet, gayundin ang sinasabi ng mga influencers, kaya ang siste, hindi na uso ang mag-fact check at sa huli, nabibiktima ng maling impormasyon.


Sa kabila ng lahat, naniniwala tayong matatapos din ang problemang ito sa pamamagitan ng tamang paggamit ng internet at social media.


Kaya naman pakiusap sa mga kilalang socmed personalities, huwag n’yong sayangin ang inyong kakayahang maabot ang mga tao. Kumbaga, gamitin ninyo ng tama ang impluwensya.


Masyado ng maraming problema ang bansa. Imbes na dagdagan, tumulong tayong matuldukan ang mga suliraning ito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page