top of page
Search
BULGAR

Problema ng ‘Pinas: maling pamamahala, hindi maling saligang batas

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 21, 2024


Nitong Enero 19, 2024, Biyernes, balik-COMELEC na naman ang grupong Solidarity for Justice and Truth. Hindi nga lang huling Biyernes ito ng buwan tulad ng mga nakasanayan na ng grupo mula noong Marso 31, 2023, nang simulan ang pagrorosaryo at pagmi-Misa sa harapan ng COMELEC para tutukan ang napakaraming mga isyu na kinasasangkutan ng ahensya. 


Ngunit, habang maaga ay kailangang ipadama sa COMELEC ang matinding pagbabantay, pagtatanong at pagpapaalala sa taumbayan na huwag na huwag magsasawang bantayan ang napakahalagang institusyon para sa ating demokrasya.


Oo, huwag na huwag na ihinto ang pagbabantay sa COMELEC.


Salamat sa hindi pagbigay ng pagkilala sa SMARTMATIC bilang “provider” sa darating na mid-term elections sa 2025. Hindi na pinayagang sumali ang SMARTMATIC sa isang “open bidding” na katatapos lamang.


Iisang korporasyong galing Korea lang ang dumalo at ito ay hindi rin pumasa sa mga hinihingi ng COMELEC. Mabuti naman at na-“disqualify” na ang SMARTMATIC, batay sa isang kaso nito na kinasasangkutan umano ng isang mataas na opisyal ng COMELEC noong nagdaang eleksyon ng mga nakaraang taon.


Ngunit, hindi dapat magdiwang at magsawalang-bahala. Hindi pa tapos ang laban.


Hindi pa tapos ang “bidding.” Puwede bang sumali sa mga susunod na “bidding” ang SMARTMATIC? May nagsabi na sa ating karanasan, huwag kang pakakasiguro na ang tapos ay tapos na talaga. Nagagawan ng paraan ang lahat ng bagay sa ating bansa. 


Paano? Alam na natin, ayon nga sa mga Amerikano, “there are many ways of skinning a cat…”


Hindi ba’t napakaraming nagsasabi na wala namang malinis na halalan. Dati na at matagal nang uso ang dayaan sa lahat ng antas mula itaas hanggang kababa-babaan sa gobyerno. Maraming paraan o modus ng pandaraya sa eleksyon. At ang malungkot ay sinasabi ng marami na parang alam na alam nila ngunit wala namang nangyayari para tunay na linisin ang dumi na naglalagay sa alanganin at peligro sa ating demokrasya.


Kaya ito na naman kami, sa ika-10 buwan ng pagbabantay sa COMELEC, pagbabantay sa demokrasya mula pa noong Marso 31, 2023. 


Maraming salamat mga mahal na kababayan na walang kakupas-kupas, walang kasawa-sawa sa pagtatanggol sa ating demokrasya sa pamamagitan ng adbokasiya para sa “electoral reform” o para sa pagbabago ng sistema ng eleksyon sa ating bansa.


Samantala, ayon kay COMELEC Chair George Garcia, nagsimula nang tumanggap ng mga “signature sheets and forms” para sa “People’s Initiative to amend the 1987 Constitution” para baguhin ang Saligang Batas ng 1987 ang 400 siyudad at munisipyo sa buong bansa. Ganu’n kabilis itong naturang People’s Initiative to Amend the 1987 Constitution.


At magandang ulitin ang ilang tanong ni Congressman Edcel Lagman hinggil sa People’s Initiative. Una, sino ang nagsusulong nito? Pangalawa, ano ang tunay na pakay sa pagsulong nito? Pangatlo, kaninong pera ang ginagamit para isulong ito? Pang-apat, kailangan ba talagang baguhin ang Saligang Batas ng 1987? Ano ba talaga ang gusto nilang baguhin? Talaga bang ang mga “economic provisions” tungkol sa pag-aari ng lupa o ng pera, investment at kita ng korporasyon, kung 100% ng aba?


Ngunit ang tanong ng maraming hindi sumasang-ayon ay iisa at simple. Talaga bang kailangan natin ang Charter Change (Cha-cha) ngayon? Ang Konstitusyon ba talaga ang pangunahing problema o sanhi ng ating mga problema ngayon? Ano ang kinalaman ng mga sumusunod na isyu ng pagbabago ng Saligang Batas ng 1987? 


Una, ang pananakop kaya ng China sa West Philippine Sea? Pangalawa, ang masamang reputasyon umano kaya ng ating bansa sa mga abuso sa karapatang pantao, na humaharap sa mga kasong inihain ng International Criminal Court laban sa ilang matataas na pinuno? Pangatlo, ang isyu kaya ng “phaseout ng mga jeepney” o ng pagsulong sa Public Utility Vehicle Modernization Program? Pang-apat, ang pagbulusok kaya ng kalidad ng edukasyon sa lahat ng antas, lalo na mula elementarya hanggang hayskul ng ating bansa? Panglima, ang patuloy na paghihirap kaya ng nakararaming mamamayan na napipilitang mangibang bansa dahil walang sapat na trabaho dito o kung meron man, sobrang baba ng sahod? Pang-anim, dahil kaya sa rami ng mga mahihirap na kababayan nating nag-abroad, dumarami ang mga nadadawit sa problema na nagpapahamak sa kanila tulad ni Mary Jane Veloso sa Indonesia, at sa marami pang mga bansa?


Napakarami pang isyung maaaring idagdag sa listahan, ngunit napakalinaw na hindi pagbabago ng Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative ang problema’t solusyon sa ating mga pangunahing suliranin.


Ayusin ang serbisyo, pamamahala  at paggamit ng pera ng bayan. Bantayan ang mga korup, hulihin ang mga ito at hadlangan ang lahat ng uri ng korupsiyon sa mga sangay ng pamahalaan. ‘Yan ang dapat gawin. ‘Yan din ang muli nating ipinagdasal sa harapan ng COMELEC.


0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page