top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Problema na dala ng pekeng COVID-19 vaccine, pahirap at panggulo lang!

BULGAR
May 2, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 02, 2021


Sa kalagitnaan ng national vaccination program kontra COVID-19, nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan laban sa pekeng Pfizer vaccine.


Sa isang pahayag, sinabihan na umano ni DILG Secretary Eduard Año ang LGU officials hanggang barangay level na maging alerto matapos ang maglabas ng babala ang World Health Organization (WHO) na posibleng nasa merkado na ang pekeng Pfizer COVID-19 vaccine.


Nagpaalala rin ang kalihim sa LGU officials hinggil sa kanilang vaccine sources o chain of supply, gayundin upang tiyakin na ang lahat ng medical products, partikular ang mga bakuna ay dapat manggaling sa mga awtorisado at lisensiyadong supplier.


Kamakailan, nag-isyu ng global medical product alert ang WHO hinggil sa pekeng COVID-19 vaccine na may pangalang “BNT162b2”, na sinasabing manufactured ng Pfizer Biontech.


Dagdag pa rito, ang naturang produkto ay may lot number “783201” at may expiry date na “AUG 24”.


Sa totoo lang, nakadidismaya dahil napakalaking hamon na ng pandemya para sa ating lahat, tapos magkakaroon pa ng ganitong mga isyu, kaya ang ending, doble-hamon.


Paalala sa mga lokal na pamahalaan, maging mapanuri pagdating sa mga ganitong bagay dahil kaligtasan ng ating mamamayan ang nakasalalay dito.


Dahil hindi pa tiyak kung nasa merkado na ang mga pekeng bakuna, pakiusap natin sa mga kinauukulan na tuntunin ang mga ito bago pa tuluyang mapunta sa LGUs at maiturok sa mga residente.


Isa pa, kahit may kakulangan ng suplay ng bakuna at desperado tayong makakuha nito para sa ating mga residente, mahalaga na magsagawa muna ng pagsusuri bago tuluyang bumili.


Tulad nga ng paalala ng DILG, kailangang manggaling ang lahat ng medical products sa mga awtorisadong supplier.


Tandaan, proteksiyon ang ating kailangan laban sa virus at hindi panibagong problema na posibleng dulot ng pekeng bakuna.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page