Private audio recordings at transcripts, planong ilabas... DOJ, kinasuhan ni ex-US Pres. Joe Biden
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 29, 2026

Nagsampa ng kaso si dating US President Joe Biden laban sa US Department of Justice (DOJ) upang pigilan ang planong paglalabas ng audio recordings at transcripts ng kanyang pribadong pag-uusap sa kanyang biographer noong 2016 at 2017.
Ayon sa reklamong inihain sa federal court sa Washington, DC, nakatakdang ilabas ng DOJ sa Hunyo 15 ang mga naturang materyales sa US House Judiciary Committee at sa conservative group na Heritage Foundation.
Hiniling ng Heritage Foundation ang mga dokumento bilang bahagi ng impormasyong ginamit sa imbestigasyon ni dating Special Counsel Robert Hur noong 2023 kaugnay sa paghawak ni Biden ng classified documents.
Giit sa demanda, inaabuso umano ng komite ang proseso ng request upang malusutan ang mga probisyon ng Freedom of Information Act na naglilimita sa paglalabas ng sensitibong impormasyon.
Hinihiling ng kampo ni Biden sa korte na ideklarang “not valid” at “pretextual” ang request ng komite at tuluyang ipagbawal ang paglalabas ng mga recording.
Samantala, sinabi ng isang tagapagsalita ng DOJ na nais umano ng ahensya na ilabas ang mga recording upang makita ng publiko ang nilalaman nito, na anila’y nagpapakita ng kondisyon ng pag-iisip ng dating pangulo.
“We will fight to ensure the American people can hear these recordings and draw their own conclusions,” ayon sa DOJ spokesperson.
Mariing itinanggi ng kampo ni Biden ang mga paratang at sinabing ibinigay ang mga recording sa kondisyon na hindi ito ilalabas sa publiko.
Ayon kay TJ Ducklo, tagapagsalita ni Biden, nakipagtulungan na ang dating pangulo sa imbestigasyon ni Hur at iginiit na hindi na lamang ito usapin ng transparency kundi bahagi na ng pamumulitika.
Nabatid na ang mga recording ay bahagi ng proseso ng pagsulat ng memoir ni Biden na “Promise Me, Dad,” na tumalakay sa kanyang buhay habang nilalabanan ng kanyang anak na si Beau Biden ang brain cancer.
Nauna nang pinayagan ng korte si Biden na makialam sa kaso ng Heritage Foundation laban sa DOJ, ngunit hindi siya pinayagang kuwestiyunin ang request ng US House Judiciary Committee.





Comments