Presyo ng sibuyas, 'di ka lang mapapaiyak, mapapahagulgol pa, grabe!
@Editorial | December 30, 2022
Hindi ka lang mapapaiyak, mapapahagulgol ka pa sa grabeng pagtaas ng presyo ng sibuyas.
Umabot na sa P720 ang bentahan ng kada kilo ng pulang sibuyas sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Ang halagang ito, puwede pa umanong tumaas sa mga darating na araw.
Hindi naman natin masisisi ang mga tindero dahil mataas din ang kuha nila sa supplier. Dagdag pa ang binabayaran nilang upa sa palengke at delivery fee mula sa supplier.
Kaya ang mahiwagang tanong sa mga supplier, bakit mataas ang pasa at bakit nagkaroon ng sinasabing kakapusan sa suplay?
Sa kabila ng hindi maawat na taas-presyo, tila sablay pa itong hirit ng tagapagsalita ng Department of Agriculture. Ang ipinayo kasi sa mga mamimili, kung namamahalan sa presyo ng sibuyas, eh, huwag bumili ng isang kilo. Para bang magbabago ang halaga nito kapag piraso ang binili.
Sabihin na nating puwedeng hindi muna gumamit ng sibuyas para makatipid pero ganu'n na lang ba palagi tuwing may taas-presyo? Palagi na lang ba tayong magtitiis o pikit-matang bibili ng overpriced na produkto?
Hindi ba dapat, bago pa man kapusin ang suplay, eh, may nakahanda ng alternatibong paraan? Hindi 'yung kung kailan said na ang suplay at may mga nang-aabuso na sa sitwasyon ay saka mag-iisip ng solusyon.
Tulad ngayon, halos P1K na ang kada kilo ng sibuyas, saka pa lang pinag-aaralan kung kailangang mag-import sa susunod na taon kung hindi pa rin magiging normal ang supply at bentahan nito.
Mahirap na palagi tayong umaasa sa importasyon, sana ay mapaunlad pa ang ating agrikultura at hindi mapasukan ng mga sindikato.
Kailangan ng mabilisang aksyon mula sa kinauukulan, hindi puwede na palaging ganito ang eksena na biglang kakapusin ang suplay, magtataas ng presyo, mag-i-import at kawawa na naman ang local farmers.



Comments