Presyo ng petrolyo, ‘di malabong pumalo ng P100 sa first day ni P-BBM
- BULGAR
- Jun 10, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | June 10, 2022
MAHABA na ang listahan ni President-elect BBM ng mga bagong gabinete.
Kabilang sa natukoy na niya ang bagong kalihim sa Department of Education (DepEd); Department of Interior and Local Government (DILG); Department of Justice (DOJ); Department of Finance (DoF); at National Economic Development Administration (NEDA).
◘◘◘
ILAN ang pangalan ng aspirante ang inilalabas bilang nominado bilang kalihim sa Department of Energy (DoE), pero wala pa talagang kinumpirma.
Maselan ang ginagawang pagsala ni P-BBM sa mga nominado, kasi’y mahalaga ang kagawarang ito na makakaapekto sa ordinaryong mamamayan.
◘◘◘
PINALOBO na ngayong linggo ang presyo ng petrolyo at inaasahan itotodo pa ang dagdag-presyo sa susunod na linggo.
Sumasabay dito ang pagtaas sa singil ng elektrisidad na hindi naman mapigil din mismo ni Energy Regulatory Commission (ERC) chief Agnes Devanadera.
◘◘◘
KUNG ang sobrang taas sa singil ng Meralco at dispalinghadong billing ay nakalulusot, paano makatutulong si Devanadera sa pagpigil sa presyo ng petrolyo kung sakaling siya ang mahugot bilang kalihim ng DoE?
Kumbaga, walang landmark achievement si Devanadera sa ERC, paano niya maidedepensa ang konsyumer ng petrolyo laban sa abusadong oil companies?
◘◘◘
KUMOKONTRA sa appointment ni Devanadera ang ilang lider ng electric cooperatives sa kanayunan at mga consumer rights groups .
Kabilang ang Power for People Coalition (P4P).
Ayon mismo kay P4P Convenor Gerry Arances, walang pagsidlan ang kabi-kabilang isyu at kapalpakan ni Devanadera sa ERC at maging sa mga dating tanggapan kung saan siya dating itinalaga.
◘◘◘
KABILANG sa pumupuntirya sa DoE post sina Rep. Mikey Arroyo na anak ng isang dating Pangulo; at Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta na kasapi ng Iglesia ni Cristo.
Gayundin ang dalawang dating Kalihim – sina Vince Perez at Rene Almendras.
Pero, ano ba ang nagawang mabuti nina Perez at Almendras sa kani-kanyang ahensiya?
Waley!
◘◘◘
IPAGDASAL nating matumbok ni P-BBM ang angkop na kalihim para sa DoE dahil malaki ang tsansa na aabot ng higit sa P100 ang presyo ng diesel at gasoline kada litro sa unang araw ng kanyang pag-upo sa Hulyo 1.
Mahalagang matulungan ang taumbayan ng mauupong DoE secretary kontra krisis sa langis.
◘◘◘
SALA-SALABAT na ang trapik.
Nakapagtatakang kahit mataas ang presyo ng petrolyo ay marami pa ring motorista ang nasa gitna ng kalye.
Anong klase ito ng phenomenon?
◘◘◘
KUNG maraming motorista na lumalabas sa gitna ng oil price increase, nangangahulugan ba ito na may sapat na “cash” ang mga Pinoy?
Mahirap sagutin, pero totoo ‘yan.
◘◘◘
BATAY sa law of supply and demand, kapag malaki ang demand, talagang tataas nang todo ang presyo.
Ibig sabihin, indikasyon ba ito ng malusog na ekonomiya?
◘◘◘
SA kabilang panig, maaaring malakas ang demand sa petrolyo dahil ang sektor ng middle class ay may sapat pang “cash”, pero paano na ang sektor ng mga nasa ilalim o laylayan?
Malinaw na lumalayo ang “agwat” ng mayayaman sa sektor ng mga nagdarahop.
◘◘◘
MARAMI nang gumagapang sa hirap sa antas ng mga nagdarahop, nagbabalik muli sila sa mga lalawigan upang makatakas sa gutom.
Ang mga nasa siyudad nama’y sumusuweldo nang hindi sapat — bagkus ay makaraos lang ng maghapon.
Ang tawag d’yan ay “stagflation”, may tubig sa kanal, pero “burak at pusali” ang amoy.








Comments