top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Presyo ng bulaklak, terible sa mahal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 12, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 12, 2024


Ilang araw pa bago ang Valentine’s Day, tumaas na ng 100 porsyento ang presyo ng mga bulaklak sa mga pamilihan.


Batay sa mga ulat, nasa P1,500 ang halaga ng isang dosenang pulang rosas mula sa dating P700 sa Farmers Garden sa Araneta City, Cubao, Quezon City.


Ang kalahating dosenang red roses naman ay nasa P1,000, na dati ay ibinebenta ng P500. Ang isang piraso ng sunflower ay iniaalok ngayon sa halagang P500, kung saan nasa P100 ang itinaas mula sa dating presyo nito, habang ang tatlong sunflower ay nagkakahalaga ng P2,000 na dati ay P1,300 lamang.


Nagkakahalaga naman ang assorted bouquet ng P1,500 mula sa dating P700.


Ang isang special bouquet ay ibinebenta sa halagang P2,000, na nasa 100% na pagtaas mula sa dating P1,000.


Ayon sa mga vendor, naging epektibo ang taas-presyo ng mga bulaklak nitong Sabado dahil ang kanilang mga supplier mula sa Dangwa Flower Market sa Maynila ay nagtaas na rin ng kanilang mga presyo.


Nauna nang sinabi ng mga retailer at vendor sa Dangwa, Manila na ang halaga ng mga bulaklak ay posibleng dumoble o triple pa habang papalapit ang Valentine’s Day. 


Sa kanilang estimasyon, ang mga presyo depende sa klase ng bulaklak ay naglalaro sa paper roses, bundle of 14 nasa P650-P700; Baguio roses-per stem, P50-P100; China roses-per stem, P60-P110; Ecuadorian roses-per stem, P70-P120; carnation, bundle of 10, P200-P250; Gerbera, 10 o higit pa, P190-P350; tulips-per stem, P190-P400; Malaysian mums, bundle of 10, P100-P180 at flower fillers, P40-P80.


Paliwanag ng isang may-ari ng flower shop na kapag ganito na magkakaroon ng okasyon, mahal din talaga ang puhunan ng mga supplier ng mga bulaklak. Hindi naman puwede aniyang, mahal nilang nakuha ang mga bulaklak at pagkatapos ay mura nilang ibebenta ang mga ito.


Kahapon ay medyo matumal pa rin ang bentahan ng mga bulaklak sa mga pamilihan, subalit inaasahan naman ng mga vendor na lalakas ang kanilang sales bukas, at sa mismong Araw ng mga Puso.


Masarap naman talaga sa pakiramdam ang makatanggap ng bulaklak lalo na kung galing sa ating mga loved ones.


Bukod kasi na naaalala nila tayo ay naipapakita rin nila ang kanilang pagmamahal sa atin na simbolo ay ang bigay na mga bulaklak.


Ang nagiging mabigat lang dito ay ang matinding presyo ng mga bulaklak na kung minsan para sa mga tatanggap nito ay nakakapanghinayang. Naiisip kasi natin na kung ibinili na lang sana ng pagkain ay nabusog pa tayo o kaya bumili ng gamit para ating mapakinabangan. 


Marahil, gusto lamang ng nagbibigay na makita ang ngiti sa ating mga labi kapag natanggap na natin ang mga bulaklak habang hindi nila alintana gaano man kamahal ang presyo nito. 


Walang katumbas na halaga o presyo ang tunay na pagmamahal, maging ito man ay para sa mga magulang, kapwa at sa Diyos. Lagi rin sana nating tatandaan na tayo ay nagmamahal dahil ang Diyos ang unang nagmahal sa atin.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page