top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Presyo ng bilihin at mga kotongero sa PNP-HPG at iba pa, dapat bantay-sarado ngayong Kapaskuhan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 3, 2023


Maganda ang ginawang pagtitiyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na handa umano ang kanilang tanggapan na harapin ang mga kasalukuyang problema hinggil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo pa at panahon na ng Kapaskuhan.


Tiniyak ng pamunuan ng DTI sa publiko na masusi nilang babantayan at tututukan ang mga presyo ng mga bilihin upang matiyak na hindi makalulusot ang mga nais magsamantala na isang napakagandang pamasko sa ating mga kababayan kung magkakaroon ng katuparan.


Kabilang dapat sa mga tututukan ng DTI ay ang delatang isda at karne, tinapay, kape, instant noodles at mga kahalintulad. Nasa ilalim naman ng Department of Agriculture (DA) ang pagtutok sa presyo ng bigas, mais, fresh pork, poultry, beef, fish, eggs, fruits, milk at asukal na mas higit na dapat bantayan.


Upang matiyak na maipatutupad ang resonableng presyo, regular din sanang tutukan ang mga basic necessities at prime commodities (BNPCs) lalo na sa panahong ito ng Kapaskuhan upang maiwasan ang pagmamanipula ng presyo.


Ilang sandali na lamang ay magbibigayan ng bonus at dapat na bigyan ng pansin ang kalagayan ng mga kababayan nating may low-and middle-income upang kahit paano ay maramdaman nila ang masaganang pagdiriwang sa panahong ito.


Hindi makakaporma sa mga pamilihan ang mga nais magsamantala kung nand’yan at regular na ginagampanan ng DTI ang kanilang trabaho at kung hindi sasapat ang kanilang mga tauhan ay maaari silang makipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.


Sabagay, patuloy naman ang ginagawang pagpapatupad ng DTI sa mga Suggested Retail Price (SRP) ng BNPCs upang maibsan ang epekto ng inflation at matiyak na kayang-kaya ang BNPCs ng ating mga kababayan.


Malaking tulong din ang pakikipagtulungan ng DTI sa Sub-Task Group on Economic Intelligence (STG-EI) para tulungan ang mga law enforcer na masakote ang mga smugglers ng agricultural products dahil nakatulong na mapalakas ang intelligence gathering at kabi-kabilang consultative meetings.


Unti-unti na ring nararamdaman ang resulta ng ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) na ipagbawal na ng mga local government units (LGUs) ang mangolekta ng toll fees at charges sa lahat ng sasakyang may kargang produkto o anumang paninda.


Nilagdaan ito ni P-BBM, kasabay ng aking kaarawan noong Setyembre 25, ang Executive Order (EO) 41 na lahat ng sasakyan ay hindi na kailangang magbayad ng ‘pass-through fees’ sa tuwing dadaan sa lahat ng national roads at iba pang kalsada na hindi itinayo o pinondohan ng LGUs.


Pinatigil ni P-BBM ang pangongolekta ng mga LGU ng ‘pass-through fees’ sa lahat ng sasakyang nagbibiyahe ng mga pagkain at iba pang produkto sa mga national road sa buong bansa.


Nakasaad sa EO 41 na para sa kapakanan ng publiko, inatasan lahat ng mga LGU na suspendihin o itigil ang pagkolekta ng anumang bayarin sa mga biyahero ng pagkain tulad ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, o Mayor’s permit sa mga local public road na hindi naman nila pinondohan ang pagpapagawa.


Naniniwala ang Palasyo na ang ‘pass-through fees’ ang isa sa mga dahilan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa palengke dahil ipinapasa sa mga konsyumer ang gastos ng mga negosyante sa pagbiyahe ng kanilang mga kalakal.


Inatasan din ng Palasyo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na kumuha ng kopya ng umiiral na ordinansa ng mga LGU kaugnay sa ‘pass-through fees’ matapos maging epektibo ang EO 41 upang ma-evaluate at masiguro ang pagsunod ng mga ito sa Local Government Code of 1991.


Sakaling may matigas umano ang ulo at bigong sundin ang utos ng Palasyo ay mahaharap sa administrative at disciplinary sanctions ang mga opisyal o empleyadong patuloy pa ring nangongolekta ng bayarin sa mga biyahero.


Malaking bagay ang kautusang ito dahil sa naaantala ang biyahe ng mga produkto dahil sa ‘pass-through fees’ na bukod sa pagbabayad ng mga biyahero ay idinadaan pa sa inspeksyon ang mga kalakal na nagiging sanhi ng mahabang pila sa mga kalsada.


Dapat lang talaga ay tutukang mabuti ang kautusang ito upang maiwasang may magpapalusot at kung magiging matagumpay ang kautusang ito ay malaking ginhawa sa mga biyahero, magiging mura ang transportasyon at malaki ang ibababa ng presyo.


Sana tutukan din ng Palasyo ang mga kotongerong kaanib umano ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at iba pang enforcer ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.


Hindi naman lahat ay kotongero ngunit may ilan sa kanilang operatiba ang inirereklamo ng mga biyahero na inaantala umano ang kanilang biyahe para maobliga silang ‘maglagay’ kesa nga naman malanta o masira ang kanilang idedeliber.


Marami-rami ang mga ‘yan, lalo pa ngayong magpa-Pasko!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page