Presyo ng bigas ibaba, presyo ng palay itaas
- BULGAR
- Nov 18, 2022
- 1 min read
@Editorial | November 18, 2022
Bago umalis ng bansa para dumalo sa APEC Summit sa Thailand, may iniwan munang good news si Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa Punong Ehekutibo, malapit nang matupad ang pangarap niyang P20 na presyo sa kada kilo ng bigas.
Sa kasalukuyan, ang bigas na ibinebenta sa Kadiwa stalls at ng National Food Authority (NFA) ay nasa P25 kada kilo.
Sa ngayon, wala pa umanong magawa para sa biglaang pagbaba bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pangyayari sa ibang bansa na hindi natin kontrolado.
Kaugnay nito, dalawang bagay naman ang hinihingi ng mga magsasaka para mapababa ang presyo ng bigas sa bansa habang napapanatiling mataas ang farm gate prices.
Batid naman natin na hindi maaaring basta na lang ibagsak ang farmgate prices o presyo ng pagbili ng palay para bumaba ang presyo ng bigas.
Isa pa sa kahilingan ng mga magsasaka ay dapat magbigay ang pamahalaan ng financial aid kung nais nito na mapababa ang presyo ng bigas.
Hindi nga naman puwedeng maisakripisyo ang kapakanan ng mga magsasaka para sa kapakanan ng konsyumer bagkus dapat ay win-win solution—presyo ng bigas ibaba, presyo ng palay itaas.
Kung posible namang mangyari, gawin na. Huwag nating hintayin na lumala ang sitwasyon.
Hindi masama na mag-angkat kung kinakailangan pero mas mabuting unahin at palakasin ang sariling atin.
Huwag nating hayaan na may iilang nakikinabang habang marami ang nahihirapan.


Comments