Presidential Candidate na adik, hintayin nating matokhang!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 20, 2021
PRESIDENTIAL CANDIDATE NA ADIK SA ILEGAL NA DROGA, BAKA 'MATOKHANG'--Ibinulgar ni P-Duterte na may isang presidential candidate na adik sa cocaine.
Nakupo, dapat mag-ingat ang presidential candidate kasi baka ipa-tokhang siya ni P-Duterte.
Mabuti sana kung tokhang (hulihin) lang, paano kung "palabanin"? Eh, 'di patay, saklap!
◘◘◘
PULITIKA SA 'PINAS, DATING MAGKAKAMPI, MAGKALABAN NA, AT DATING MAGKALABAN, MAGKAKAMPI NA--Kung takbo ng magulong sistema ng pulitika ang pag-uusapan, pinakamagulo na yata ang political system ng Pilipinas.
Mantakin n'yo, sa sistemang pulitika sa 'Pinas, ang dating magkakampi ay magkakalaban na, at ang dating magkalaban ay magkakampi na.
Ihalimbawa natin sina P-Duterte at former Sen. Bongbong Marcos, dating magkakampi, pero magkakalaban na ngayon sa pulitika dahil ang manok ng Pangulo for president ay si Sen. Bong Go at hindi si Marcos.
Sa kabilang banda naman, ang dating magkalaban na sina former Vice-Pres. Jejomar Binay at former Sen. Antonio Trillanes, pero ngayon ay magkakampi na sila sa senatorial line-up ni Vice-Pres. Leni Robredo.
Patunay 'yan na ganyan kagulo ang sistema ng pulitika sa Pinas, period!
◘◘◘
HINDI LANG MAGKAKAIBIGAN, PATI MALALAPIT NA MAGKAMAG-ANAK NAGHIHIWALAY NG LANDAS DAHIL SA PULITIKA--Hindi lang magkakaibigan ang naghihiwalay ng landas sa sistemang pulitika sa 'Pinas, kundi pati ang malalapit na magkakamag-anak.
Tulad ng mag-amang P-Duterte at Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kumbaga sa sabong, magkahiwalay ang manok na pinupustahan ng mag-ama, si P-Duterte, ang manok for president ay si Bong Go at ang manok naman ni Mayor Sara for president ay si Bongbong, boom!
◘◘◘
KANDIDATO SA NATIONAL POSITION, MAY ASAWANG MAY RAKET NA 'ONLINE SABONG'--Manok na rin lang ating pinag-uusapan, may nakuha tayong impormasyon na ang isang pulitiko raw na tumatakbo sa national position ay may asawa na may raket na online sabong.
Mantakin n'yo, hindi pa nanalo ang asawa sa national position, eh, 'yung asawa ay nanraraket na, buwisit!





Comments