top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Presensya ng medical professionals sa mga iskul, kailangan sa F2F classes

BULGAR
Jul 17, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | July 17, 2022


Duda ang isang grupo ng mga guro na magiging maayos ang pagpapatupad ng mga plano ng Department of Education (DepEd) sa parating na school year.


Nanindigan kasi si Vice-President at DepEd Secretary Sara Duterte na magbubukas sa Agosto 2, 2022 ang klase, habang ipatutupad naman ang full face-to-face learning sa Nobyembre 2, 2022.


Sa tingin umano ng grupo, kulang pa sa classroom ang mga paaralan, lalo na kung ipapatupad ang physical distancing, gayundin, kapos ang bilang ng mga guro.


Katanggap-tanggap pa umano kung ipatutupad ito sa 2023 dahil kung gagawin ang face-to-face classes ngayong taon, mailalagay sa alanganin ang learning, gayundin ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral.


Gayunman, umaasa ang grupo sa sinabi ni VP Sara na bukas pa rin siya sa dayalogo sa education stakeholders.


Samantala, nananawagan ang isa pang grupo ng public school teachers na magkaroon ng medical professionals ang mga paaralan upang agad na matugunan ang anumang medical emergency sa mga iskul oras na ipatupad ang face-to-face classes.


Bagama’t maraming pabor sa pagpapatupad ng in-person classes, hindi pa rin nawawala ang pangamba ng ilan, lalo na ang mga magulang. Marahil, hindi pa bakunado ang kanilang mga anak, kaya hangga’t maaari, nais nilang matiyak na ligtas ang pagbalik ng mga ito sa eskuwela.


Bago ang lahat, panawagan natin sa mga kinauukulan na tiyakin na ang pagbabalik-eskuwela ay hindi magiging sanhi ng hawahan sa mga bata.


Gayundin, sana’y matugunan muna ang iba pang mga problema tulad ng kakulangan ng mga klasrum at guro.


At higit sa lahat, ang kahandaan ng paaralan na tumugon sa medical emergency dahil mas mabuti nang maging handa kaysa mangapa kapag nand’yan na ang problema.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page