top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Premier Volleyball League pasok na sa listahan ng pro

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 15, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 15, 2020




Isama na ang Premier Volleyball League (PVL) sa listahan ng mga propesyonal na ligang pampalakasan sa Pilipinas. Ito ang susunod na hakbang ng ligang nanguna sa pag-usbong ng Volleyball sa Pilipinas sa nakaraang dalawang dekada.


“It’s about time we go pro, it’s additional motivation for the players,” wika ni Alyssa Valdez, ang kapitana ng Creamline sa pulong ng mga opisyal ng liga at mga koponan kasama ang Games and Amusements Board (GAB) noong Biyernes ng gabi.


Plano ng PVL na laruin ang kinagawiang kalendaryo na may Open at Reinforced Conference. Itutuloy din ang kanilang Collegiate Conference subalit magbabago ito ng pangalan.


Depende sa umiiral na patakaran, maaring maglaro ang PVL sa isang bubble. Ilan sa mga pinagpipiliang lugar ay ang Inspire Sports Academy sa Calamba City at Trace College sa Los Banos na parehong nasa lalawigan ng Laguna.


Huling naglaro ang PVL noong noong nakaraang Nobyembre kung saan tinanghal na kampeon ang Creamline ng Open Conference matapos walisin ang Petro Gazz sa seryeng best of three, 2-0. Ang iba pang lumahok ay ang BaliPure, Banko Perlas, Choco Mucho, Chef’s Classics, Motolite, Philippine Air Force at Pacific Town-Army.


Subalit hindi lahat ng koponan ay tutuloy sa bagong ligang pro tulad ng dalawang koponan buhat sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na PAF at Army. Ang Chef’s Classics ay binubuo ng karamihan ay varsity ng San Beda University sa NCAA. “We thank all the team owners for their support in the PVL turning professional,” wika ni Ricky Palou ng Sports Vision. Idinagdag din niya na may dalawang koponan na nagpahiwatig ng interes na sumali sa PVL subalit hindi pa panahon para ipakilala ang mga ito.


Unang nagbukas ang PVL noong 2004 bilang Shakey’s V-League at ang mga unang kalahok ay mga koponan ng paaralan. Unti-unting pumasok ang mga commercial team paglipas ng panahon hanggang nagpasya na magpalit sila ng pangalan sa kasalukuyang PVL noong 2017.


Samantala, may iba pang liga ng Volleyball ang napipintong aangat sa antas ng propesyonal sa mga darating na buwan. Ang Spikers Turf, ang pangunahing paligsahan ng mga kalalakihan, at ang Beach Volleyball Republic ay nasa gitna ng proseso ng kanilang aplikasyon sa GAB.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page