top of page

Pramis ng pamilyadong BF, ‘di dapat asahan dahil magiging forever kabit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 3, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 03, 2021



Dear Maestro,

Paano malalaman kung mahal ka ng isang pamilyadong tao? Puwede bang mangyari na ako ang piliin niya kaysa sa kanyang legal wife? ‘Yun kasi ang sabi at pangako niya sa akin, kumukuha lang daw siya ng tiyempo at iiwanan niya ang kanyang asawa para kami na ang magsama habambuhay.

Compatible ba kami at kami na ang magsasama habambuhay? October 1, 1996 ang birthday ko at January 12, 1973 naman ang birthday niya.

Umaasa,

Althea ng San Gabriel, Teresa, Rizal

Dear Althea,

Alam mo, mukhang malabo ang pangako ng boyfriend mong may asawa at pamilya na dahil kahit saang anggulo mo tingnan, sakali mang manaig ang relasyon n’yo, hangga’t hindi niya hinihiwalayan nang legal ang kanyang misis, ang inyong relasyon ay mananatiling immoral. Kaya para makaiwas ka sa kasalukuyan mong sitwasyon, mas mainam kung ‘wag ka nang makipagkita sa kanya kahit mahal n’yo ang isa’t isa.


Sapagkat sa pag-aanalisang Astro-Numerology, sadyang hindi naman compatible ang zodiac sign mong Libra na pinangingibabawan ng elementong air o hangin sa zodiac sign niyang Capricorn na may elementong earth o lupa, ganundin ang birth date mong 1 at 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) naman ang boyfriend mo ay hindi rin compatible sa isa’t isa.


Sa tanong mo namang puwede ka bang piliin ng isang taong may pamilya na, ang sagot ay hindi dahil kung magagawa niya ‘yun, dapat ay ngayon na.


Dahil hindi niya kayang iwanan ang kanyang pamilya, the best way ay gagawa siya ng pangako at dahilan, at ang pinakamagandang rason para hindi muna mangyari ang “pangako” ay sasabihin niya sa iyong maghintay ka muna dahil humahanap lang siya ng tamang pagkakataon.


Pero pustahan tayo, ang “tamang pagkakataon” na hinahanap niya ay hindi na darating pa kahit kailan hanggang sa malibang ka nang malibang at mawili sa pakikisama at pakikisalamuha sa isang lalaking may asawa at pamilya na.


Tulad ng nasabi na, Althea, siguradong lilipas ang maraming mga taon, habang tuloy-tuloy ka niyang napagpapasasaan, hindi darating ang hinihintay mong pagkakataon na mas pipiliin ka niya kaysa sa kanyang pamilya, hanggang sa matagpuan mo na lang ang iyong sarili na losyang at habambuhay na naging kerida at ang masaklap pa nito, baka mabuntis ka niya at sa bandang huli ay magiging single mom ka pa.


Kaya kung hindi ka naman makakapayag na maging habambuhay na kabit, ano pa ang hinihintay mo? Habang bata ka pa, maganda at may hitsura, mas makabubuting humanap ka ng isang binata, na pakakasalan ka at habambuhay na mamahalin.


Sa ganyang paraan, hindi lang sariling landas mo ang iyong itinutuwid, bagkus, tinutulungan mo rin ang iyong karelasyon na magbagong buhay, na maging mabuting magulang sa kanyang mga anak at responsableng ama ng tahanan.


Kapag umiwas ka sa ka-immoralan, kasabay nito ay ginagabayan mo ang iyong kapwa na gumawa ng kabutihan, mahalin at maging tapat sa kanyang pamilya, darating ang panahong gagantimpalaan at pagpapalain ka ni Lord. Sa aspetong pag-ibig at pakikipagrelasyon, bibiyayaan ka ng isang maunlad at maligayang pag-aasawa, hatid ng lalaking isinilang sa buwan ng Pebrero, na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2023 sa edad mong 27 pataas.

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page